Patuloy na naghahari sa Mobile Legends: Bang Bang eksena sa Singapore ang EVOS SG.

Matagumpay ang depensa ng white lions sa kanilang korona matapos apulain ang magilas na tangka ng RSG SG, 4-1, sa grand finals ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Singapore Season 2 (MPL SG Season 2).


Kampanya ng EVOS SG para hiranging kampyon ng MPL SG S2

Credit: EVOS SG

Mahusay na upper bracket kampanya ang ipinakita ng EVOS SG. Magilas ang ipinamalas ng kalaunan ay kampyon ng MPL SG na niligpit ang kupunan ng Kingsmen at RSG SG para maging unang kupunan na lalahok sa grand final matchup.

Habang sa lower bracket naman, matiyagang ginapang ng RSG SG ang kanilang spot para sa inaantabayanan nilang rematch mula noong nakaraang taon.

Sa unang laban ng kapana-panabik na serye,  ipinakita agad ng RSG ang kanilang gigil kontra sa kampyon ng MPL SG. Dominanteng 15-6 panalo ang inilista ng naghihiganting kupunan, na binigyang daan ng Paquito ni RSG Babycackes na nagtala ng 5/0/5 KDA 13 minuto pa lamang sa laro.

Mistulang nag-iba ang ihip ng hangin matapos ang pagpapadapang naganap sa game 1. Hindi nagpatumpik-tumpik ang EVOS na bumwelta naman ng apat na sunod na panalo, 4-1, para iselyo ang back-to-back kampyonato.

Susi ang maniobra ni Adammir para sa kampanya ng white lions. Tampok sa mga ito ang ipinakita niyang husay sa kaniyang Balmond sa game four, na naglista ng 6/2/10 KDA at siya ding sumira sa laro ng Benedetta ni Babycakes. Dahil dito, itinanghal siyang MVP ng grand finals.


Magiging kinatawan ng Singapore ang EVOS SG at RSG SG sa M3 World Championship

Credit: Moonton

Bukod sa pag-uuwi ng tumataginting na  US$22,249 at kampyon ng MPL SG, ang EVOS SG din ang magiging representatibo ng Singapore sa paparating na M3 World Championship ngayong Disyembre.

Nagmamarka din ito bilang pangatlong beses na paglahok ng kupunan sa pinakamalaki at pinaka-prestihiyosong MLBB event ng taon.

Bagamat kinapos sa kanilang inaasam na kampyonato, magkakaroon parin naman ng tiyansa ang RSG na bumwelta dahil sila rin ang sasama sa EVOS sa nasabing torneyo.