Matapos ang matagumpay na depensa sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Singapore Season 2 (MPL SG Season 2), may mas malaking takbuhin ngayon ang EVOS SG – ang M3 World Championship.
Ani ng dating pro at ngayon ay EVOS Esports Business Development Lead na si Stefan “EVOS Soul” Chong Ru Chyi, bagamat hindi raw magiging madali, handa daw ang kinatawan ng Singapore na magpakitang-gilas sa kanilang ikatlong tangka sa pinakamalaking MLBB torneyo ng taon.
Ibinahagi ni EVOS Soul ang kaniyang saloobin tungkol sa paglahok ng EVOS SG sa M3

Sa post-grand finals press conference, tinanong si EVOS Soul tungkol sa tiyansa ng kanyang kupunan na mapagtagumpayan ang M3, lalo na matapos ang kanilang dominanteng performance sa MPL SG Season 2.
“I think it would still be the same as last year’s M2. There’s always a chance,” sabi ng beterano.
Banggit din ni Soul na nais niya para sa kanilang kupunan na maiwangis sa dramatikong kampanya ng Burmese Ghouls sa M2 World Championship noong nakaraan.
“I think we really put up a good showing in M2, and I hope we can replicate that,” ayon sa dating pro. “Like maybe what Burmese Ghouls did in M2. They really showed up and shocked everybody.”
“I can’t really say the chances, but that is what I’m hoping for the team,” dagdag pa ni EVOS Soul.
Pasabog ng Burmese Ghouls sa nakalipas na M2 World Championship

Ipinakita ng Burmese Ghouls ang isa sa pinakadominanteng kampanya sa playoffs sa nakalipas na M2 World Championship kung saan tinagis nila ang Pinoy powerhouse na Bren Esports kasama pa ng MPL ID champions na RRQ Hoshi sa upper bracket para maagang iselyo ang tiket sa grand final.
Gayunpaman, nabaliktad ng Bren Esports ang tadhana kung saan inilista ng MPL PH kampyon ang 4-3 tala sa best-of-seven series.
Hindi man pinalad, makasaysayan ang ginawa ng Burmese Ghouls bilang ang unang team galing Myanmar na nakarating ng grand finals sa isang international MLBB event.
Ito ay hango sa sulat ni Jules Elona ng ONE Esports.