Opisyal na inanunsyo ng Execration, Miyerkules ng hapon, na naghahanap sila ng bagong organisasyon na maaring lipatan ng kanilang Mobile Legends: Bang Bang roster.

Sa kanilang social media post, inilahad ng naturang koponan ang mga susunod na hakbang para sa mga miyembro nito matapos ang kanilang tagumpay sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League – Philippines Season 7 at Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2021.

“Due to unfortunate circumstances, we are supporting the current Execration ML team by finding an ideal organization where they can continue to thrive and find success,” sulat ni EJ Miranda, General Manager para sa LuponWXC.

Execration ML official PR statement
Credit: Execration

Ang katanyagan ng Execration ML

Naka-ukit na sa kasaysayan ng Philippine esports ang katanyagan ng Execration ML simula nang pumasok ito sa pambansang MLBB liga noong ikalawang season.

Natagalan man bago opisyal na makoronahan bilang mga hari, naisakatuparan pa rin ito nina Kiel VJ “KielVJ” Hernandez, Duane “Kelra” Pillas, Renz “Renzio” Cadua, Patrick “E2MAX” Caidic, Joshua “Ch4knu” Mangilog, sixth-man na si Billy “Z4pnu” Alfonso, at coach Jomie “Pakba1ts” Abalos matapos silang hiranging kampeon ng MSC 2021.

Bago ang naturang tagumpay, matatandaang ginulat din ng koponan ang buong MPL-PH Season 7 matapos nitong gapangin ang lower bracket, ilaglag ang reigning M2 World Champion na Bren Esports, at magtapos sa ikalawang puwesto.


Ayon kay Miranda, muling magbibigay ng pahayag ang Execration ML kung saang organisasyon lilipat ang kanilang koponan sa oras na matapos ang mga kasunduan.