Ang global ban system ang isa sa pinakanatatanging patakaran sa multiplayer online battle arena (MOBA) esports. Pinupuwersa nito ang mga manlalaro na maging versatile pagdating sa kanilang hero picks.
Base sa sistemang ito na ginamit sa MLBB Development League (MDL) Indonesia Season 6 play-in, ang bawat koponan ay maaari lamang gumamit ng hero nang isang beses sa isang serye, maliban sa huling laro ng isang best-of-7 series. Nangangahulugan ito na ang mga hero na ginamit na ng isang team ay awtomatiko nang hindi nila magagamit sa nalalabing bahagi ng isang series, pero pwede pa ring i-pick ng kabilang team kung hindi pa nila napipili ang mga ito.

Siguradong babaguhin nito kung paano didiskarte ang mga koponan sa isang serye maging ang viewing experience ng mga fans. Sa katunayan, makakasaksi ng sumatotal na 30 na magkakaibang heroes sa isang best-of-3 series.
Hindi ito ang unang beses na ginamit ang global ban system sa isang esports tournament. Una itong pinatakbo sa Arena of Valor World Championship 2019 at ang una namang MLBB event na nag-adopt sa nasabing sistema ay ang UniPin Ladies Series Season 2 nitong taon lang.
Pinupuwersa ng global ban system ang mga manlalaro na matutong gumamit ng maraming heroes
Kung may global ban rule, ang mga professional player ay hindi pwedeng umasa sa iisa o iilang heroes lang. Kailangan nilang magkaroon ng malawak na hero pool.
Maraming nagsasabi na ang sistemang ito ay pwedeng maging isa sa mga susi para mapaunlad ang competitive scene ng MOBA tulad na lang ng MLBB. At sa unang pagkakataon nga sa isang opisyal na Moonton event ay nagamit ito sa MDL ID S6.

Napagdiskusyunan na ito ng ONE Esports dalawang taon na ang nakalipas at tinanong pa nga ang Moonton sa pamamagitan ni PR manager Azwin Nugraha patungkol dito. Noong panahong iyon, inamin niya na pinag-iisipan pa nila ang posibilidad na gamitin ang patakaran.
“Kami masih mengevaluasi perihal global ban. Salah satu yang menjadi pertimbangan penting adalah feedback dari tim (Ini-evaluate pa namin ang global ban rule. Isa sa mga pinakaimportanteng bagay ay ang feedback ng mga koponan),” saad niya.
Bagamat nagamit na ang global ban system sa UniPin Ladies Series Season 2 at MDL ID Season 6, handa na nga ba ang Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) para dito?
Isyu ang lakas ng bawat hero sa tumatakbong meta

Sa kasalukuyan ay may 117 heroes sa MLBB at sapat na ito para sa global ban system ngunit mayroon pa ring posibleng problema sa pagpapatupad nito.
Hindi kasi lahat ng hero ay swak sa tumatakbong meta. Sa ngayon ay hindi pa masyadong pantay o balanse ang lakas ng bawat hero.
Sinubukan mang patakbuhin ang global ban system sa MDL ID S6 play-in, hindi pa sigurado kung dadalhin ito sa MPL ID Season 10. Pare-pareho nating aantabayanan ito.
Maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa MLBB news, guides at highlights.
Hango ito sa akda mula sa ONE Esports Indonesia.