Matagal man bago dumating, sulit naman ang naging paghihintay at pagsisikap ni Salic “Hadji” Imam para makamit ang kanyang kauna-unahang kampeonato sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines.

Matapos ang pitong season, nagbunga sa wakas ang pagtitiyaga ni Hadji at nasunggaban niya ang matamis na unang titulo sa pinakamalaking mobile esports league sa bansa nang pabagsakin ng Blacklist International ang Onic Philippines sa MPL PH Season 8 Grand Finals, 4-1.


Ang paglalakbay ni Hadji patungo sa kanyang unang kampeonato sa MPL PH

Credit: MPL Philippines

“Sobrang saya ko po. Simula Season 2 matagal ko na pong pangarap ‘to kaya ‘di po ako tumigil sa pagsali sa MPL kasi gusto ko po talaga mag-champion,” saad ni Hadji sa interview pagkatapos ng finals na tumagal ng limang laro.

Sinimulan ni Hadji (dating kilala bilang Hadjizy) ang kanyang karera sa MPL Philippines noong Season 2 bilang parte ng SxC Imbalance kakampi sila Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza at Dexter “DEX STAR” Alaba (na ngayon ay coach at analyst na ng Blacklist International). Ginulat nila ang liga nang magtapos sila sa fourth place.

Sinuportahan ng Indonesian esports organization na EVOS ang koponan at kinilala bilang EVOS PH subalit pareho pa rin ang naging resulta ng kampanya nilai sa Season 3.

Bumagsak ang EVOS PH sa 7th-8th place sa Season 4 at pagdating ng Season 5 ay kinuha si Hadji ng SGD Omega (Smart Omega) na nagtapos sa 5th-6th place.

Nakuha ng Omega ang runner-up finish sa likod ng Bren Esports sa Season 6 at dahil dito ay nakasali sila sa M2 World Championship kung saan ay nakapasok sila sa playoffs.

Mataas ang expectations sa Omega pagsapit ng Season 7 ngunit natalo sila ng Aura PH sa upper bracket bago tuluyang ilaglag ng Execration sa 5th-6th place.

Bagamat sunod-sunod ang kabiguang makuha ang inaasam na titulo, hindi sumuko si Hadji sa pag-abot ng kanyang pangarap. Kaya naman hindi masukat ang tuwa ng 18-year-old pride ng Parañaque nang makamit sa wakas ang kanyang unang titulo sa kanyang unang season kasama ang Blacklist International.

“Para sa’kin naniniwala pa rin ako na magcha-champion ako basta ‘yun lang mahanap ko lang ‘yung makakasundo kong teammates at magtitiwala sa’kin,” sabi niya sa MPL PH S8 winners’ press conference.


Hadji hinirang na Finals MVP

Credit: ONE Esports

Hindi lang nakuha ni Hadji ang kanyang unang kampeonato sa MPL Philippines, tinanghal din siyang Finals MVP matapos magtala ng 2.80 kills, 9.40 assists at 5.55 KDA sa naturang championship series.

Kinilala siya na MVP sa Game 1 kung saan naglista siya ng 3-1-15 kill-death-assist record at 100% kill participation gamit ang Yve at tinulungan ang Blacklist International na mabawi ang bentahe sa serye gamit ang Grock sa Game 3.

Maging sa Game 4 ay siya rin ang MVP matapos kumamada ng 1-0-9 record para pangunahan ang nakakamanghang 17-0 panalo ng kanyang koponan. Sinelyo niya ang kanyang magandang performance sa serye gamit ang Jawhead sa huling laro.

Matatandaang si Hadji rin ang pinangalanang Season MVP, patunay na talagang gigil ang star player na makamit ang kanyang unang kampeonato sa liga.