Sa katatapos lang na Group Stages Phase 2 ng MSC 2021, nasaksihan ng MLBB fans kung sinong mga kupunan ang mananatali at mapapauwi.
Sa apat na matchups sa araw na ito, lumabas na mas matikas ang mga kupunang Bigetron Alpha, Impunity KH, Todak at EVOS SG na magpapatuloy sa playoffs ng pinakamalaking MLBB event sa rehiyon.
Bigetron Alpha, niligpit ang RSG SG, 2-0
Dalawang higante agad ang nagsalpukan sa unang match up ng Phase 2 ng Group Stages. Sa bakbakan ng Bigetron Alpha at RSG SG, pinatunayan ng Indonesian team na iba ang dala nilang kalibre sa dalawang mabilis na laro para makumpleto ang sweep.
Bida sa mabilis na trabaho ng Bigetron ang Granger ni Deven “Renbo” Marks na naglista ng malinis na 7/0/3 KDA at ang Lapu-Lapu ni Muhammad Arif “Rippo” Bin Abdul Halim na nambalagbag sa game 2 para sa 3/1/8 KDA.
“Not really” sabi ng Impunity sa IDNS
Matapos ang kanilang upset panalo kontra Bigetron Alpha sa Day 2, ipinagpatuloy ng Impunity KH ang kanilang momentum papunta sa Phase 2 matchup laban sa IDoNotSleep.
Kumpiyansa ang Cambodian team na lumutas sa Roger-Angela combination ng IDNS gawa ng magandang kontribusyon ng Yi Sun Shin ni WIGHTNITE at Chang’e ni Oppi.
Bagamat naka-bwelo na ang Impunity, isang matinding balik ang isinukli ng IDNS sa game 2 sa kanilang Beatrix-YSS dual marksman setup na pumulbos sa Cambodian team para itabla ang serye, 1-1.
Dahil sa magandang kinalabasan ng setup na ito, ito pa rin ang isinalang ng IDNS sa huling laban ng serye. Subalit, hindi na pinayagan ng Impunity na madala ang laban sa late game kaya early game pagkatay ang kanilang tirada na nagresulta sa laro na natapos lamang sa loob ng 13 minuto.
Sabog ang IDNS sa YSS ni WIGHTNITE na nagtala ng magaling na 12/0/4 KDA.
Todak, umarangkada laban sa Nightmare Esports
Bida sa pangatlong matchup ng Phase 2 ang pagsubok ng Nightmare Esports imaniobra ang sikat na UBE strategy ng MPL-PH S7 champions Blacklist International laban sa Todak.
Subalit sa bersyon nila nito, hindi umubra ang Estes-Aldous composition kontra sa teamfight ng Malaysian team na mabilis na winaksan ang laro sa loob lamang ng 12 minuto.
Sa game 2 naman, late game ang tirada ng Todak sa kanilang Claude at Alice picks na bumuhat sa kanila para sa 2-0 pagwalis.
Bida sa parehong laro ang mataas na impact na dala ng Benedetta ni Momo na pumugak sa mga sidelanes ng kalaban para malayang makagalaw ang kaniyang kupunan.
Pinauwi ng EVOS SG ang Cyber EXE
Epektibo ang bersyon ng EVOS SG sa Blacklist UBE strat sa kanilang sabong kontra Cyber EXE kung saan winalis nila ng team galing Vietnam, 2-0.
Sa Aldous-Estes composition sa game 1, bida pa rin ang Lapu-Lapu ni Soul na nagtala ng 7/0/4 KDA.

Sa game 2 naman, Rafaela-Brodie combo naman ang ginawang sentro ng EVOS para maisarado ang serye. Maagang 4k gold lead 7 minuto sa laro ang nakuha ng EVOS dahil sa sustain at damage na dala ng kanilang lineup.
Nanatiling walang sagot ang Cyber EXE sa sama-samang pagkuha ng objectives ng EVOS SG kaya naman mabilis dumating ang wakas para sa mga Vietnamese sa ika-11 minuto ng laro.
Ipagpapatuloy ang aksyon sa MSC 2021 sa playoffs sa June 11-13. Patuloy ding suportahan ang ating mga PH reps, Blacklist International at Execration sa kanilang mga paparating na laban!