Nagpakilala muli ang beteranong pro na si Jaypee “Jaypee” Dela Cruz nang pangunahan niya ang 2-1 reverse sweep ng ECHO kontra TNC Pro Team sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10).

Dala ang kanyang veteran presence, pinanatiling kalmado ng 2-time MPL champion player ang Orcas sa kabila ng maagang kalamangan ng Phoenix Army sa Game 3 at gumawa ng initiation plays sa kanyang Chou na nagsindi sa comeback ng koponan.

Kahit na nag-retire na noong nakaraang season at napagpasyahan lang bumalik ngayong season, pinatunayan ng 23-year-old roamer na kaya pa rin ng mga daliri niya na makipagsabayan sa init ng bakbakan sa professional scene, lalo pa’t gamit ang Chou sa isang deciding game.


Jaypee pinangunahan ang reverse sweep ng ECHO kontra TNC gamit ang Chou sa Game 3

Jaypee
Credit: ECHO

Sa kabila ng malaking kalamangang naimbak ng TNC papasok ng late game sa unang laro, pumalag ang ECHO sa pagkuha ng Evolved Lord at nanakaw pa nga ang bentahe sa pwestuhan nang mapitas nila si captain Ben “Benthings” Maglaque (Franco).

Ngunit masyadong napatagal ng TNC ang Lord dance kaya nalingat ang ECHO at hindi napansin ang sume-segway na si Kramm (Paquito) sa mid. Diniretso ng sophomore EXP laner ang pagtulak at hindi tumilig sa pagsuntok sa Base upang ipako ang kanilang kauna-unahang game win ngayong season.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

ECHO naman ang liyamado sa Game 2 salamat kay Jankurt “KurtTzy” Matira (Xavier) na asintado sa pagtira ng Dawning Light. Napahaba pa ng TNC ang laro dahil sa Lord steals ni Daniel “SDzyz” Chu (Benedetta) pero isang conceal play sa top lane sa pangunguna ni Jaypee “Jaypee” Dela Cruz (Atlas) ang nakahuli kay Robee “Yasuwo” Pormocille (Popol and Kupa) na tinuldukan ang 24-minute victory.

Hinirang na MVP si KurtTzy matapos tumikada ng 6/1/10 KDA at 100% kill participation. Nagsilbi rin siyang pangunahing damage source ng Orcas at nakapagbitaw siya ng halos 120K damage na tumunaw sa Phoenix Army.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Maagang dinikta ng TNC ang tempo sa deciding Game 3 at kinuha ang lahat ng Turtle objectives. Pero nagsimulang makabawi ang ECHO dahil sa mga pickoff kay Yasuwo (Irithel) na ginawang posible ng mga Way of the Dragon setups ni Jaypee sa kanyang Chou.

Matinding panggugulo rin ang ginawa ng beterano kasama si Frediemar “3MarTzy” Serafico (Esmeralda) para masira ang pwestuhan ng TNC na nagpagaan sa trabaho ni rookie jungler Mark Justine “Zaida” Palma (Balmond) sa Lord takes. Lahat ng tatlong Lord ay napunta sa panig ng Orcas kaya naman malinis nilang naselyo ang panalo sa loob ng 17 minuto.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Naka-bounce back ang ECHO mula sa 1-2 pagkatalo sa Smart Omega noong nakaraang linggo at napantayan ang walong puntos ng Blacklist International sa No. 3. Samantala, nanatiling bigo sa serye ang TNC na nanatili sa dulo ng standings hawak ang isang puntos at 0-5 record.

Sasagupain ng ECHO ang Blacklist International sa huling serye ng Week 3 bukas habang tatangkain ulit ng TNC na makuha kanilang unang series win laban sa nangungunang ONIC PH sa Week 4 Day 1.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: ONIC PH hinanapan ng lunas ang lason ng Smart Omega para masolo ang top seed ng MPL PH S10 standings