Pinagtibay ng Blacklist International ang kanilang posisyon sa third place sa regular season standings ng MPL Philippines Season 11 matapos itumba ang matikas na RSG Slate Philippines, 2-0, para wakasang malinis ang kanilang Week 7.

Sa proseso, nakuha ng defending champions ang 23 points, paraan para manatili silang nakabuntot sa karera para sa upper bracket papunta sa playoffs. Gayunpaman, inamin ng hanay na hindi sila magpapatumpik-tumpik sa huling bahagi ng regular season, lalo pa’t ang kasunod nilang makakaharap ay ang numero-unong Bren Esports.

Credit: MPL Philippines

Ayon pa nga kay Coach Aniel “Master the Basics” Jiandani, may esensya ang kalalabasan ng kanilang tapatan kontra sa The Hive dahil ito ang magdidikta kung sino ang hahawak sa makapangyarihang seeding.


Coach MTB inaming gusto makabawi ng Blacklist, inilahad ang kahalagahan ng laro kontra Bren

Sa post-match interview matapos walisin ang Raiders, ibinahagi ni Coach MTB kung ano ang kaibahan ng kaniyang hanay sa muling pagtatagpo nila ng koponang gumiba sa kanila sa Week 4.

Credit: MPL Philippines

Banggit ng first year head coach, “Siguro ano, mas nakukuha na namen yung timpla. Tapos gusto din namen makabawi sa Bren. Alam ko 1 point nalang secured na sila sa upper bracket eh.”

“Kung gusto talaga nameng mag-stay sa playoffs ng matagal, kailangan talaga namen matalo yung Bren,” dagdag pa niya.

Credit: MPL Philippines

Bagamat mahalaga ang magiging resulta ng inaantabayanang dikdikan kontra sa number one team sa regular season, inamin ni Coach MTB na hindi nila nilayon noong una na makuha ang upper bracket slot.

Gayunpaman, kung magagawa daw ito ng pangkat ay mas mapapaganda ang kanilang posisyon para maging matagumpay sa tangka nilang madepensahan ang korona.

Credit: MPL Philippines

Susubukang sakyan ng koponan ng Tier One ang kanilang arangkada sa Week 7 papunta sa tapatan kontra sa delikadong Bren Esports sa unang araw ng Week 8.

Sundan ang maiinit na balita ukol sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: Ang palagay ni Owl sa MPL players matapos maselyo ng Blacklist International ang playoffs spot sa MPL PH Season 11