Lumipad sina Pinoy star jungler Kairi “Kairi” Rayosdelsol at ONIC Esports patungo sa top 8 ng M4 World Championship matapos ang kanilang 3-0 pangwawalis sa Falcon Esports sa unang serye ng playoffs.

Sinelyo ng kasalukuyang hari ng MPL Indonesia ang puwesto sa upper bracket semifinals, kung saan makakaharap nila ang mananalo sa pagitan ng ECHO at Team HAQ ng Malaysia.

Sakaling magwagi ang ECHO sa tumatakbong serye, magkukrus ulit ang landas nila Kairi at Karl “KarlTzy” Nepomuceno–ang inabaangang tapatan ng dalawang dekalibreng jungler sa world stage.


Kairi: ”Di ko pa nakikita ‘yung buong potential ni KarlTzy’

Kairi sa M4 onstage interview
Credit: Moonton

Sa eksklusibong panayam ng ONE Esports pagkatapos nilang walisin ang Falcon, ibinahagi ni Kairi ang mga nakikita niyang pinakamahuhusay na jungler sa M4 na ganado siyang makaharap.

Binanggit ng MPL ID Regular Season at Finals MVP sina Danerie James “Wise” Del Rosario ng Blacklist International, Kenneth “Kenn” Hein ng Falcon, at Lucas “Kiing” Godoy ng RRQ Akira. Pero sa lahat ng players na nasa torneo, si KarlTzy umano ang talagang inaabangan niya.

“Kasi po ‘di ko pa nakikita ‘yung buong potential ni KarlTzy. Siya ‘yung inaabangan kong makalaban kasi feel ko ‘yung mga laro niya sa group stage, ‘di pa ‘yun ang lakas niya talaga.”

KarlTzy
Credit: Dhonazan Syahputra/ONE Esports

Kapana-panabik ang posibleng pagbabalik ng “The Future vs The Present”. Huling nagkaharap ang dalawa sa kinikilalang pinakamatinik na Pinoy junglers sa Land of Dawn noon pang Season 9 ng MPL Philippines.

Dagdag pa umano ang agresibong playstyle ng Purple Orcas sa kagustuhan ni Kairi na makabangga sila.

“Exciting lalo na ‘yung ECHO kasi puro bakbakan ‘yun eh kaya masarap silang kalaban. Naglu-look forward po ako na makalaban sila.”

May mensahe rin si “Sky King” para kay M2 World Championship MVP.

“Galingan lang namin pareho para mapakita namin na Pinas talaga pinakamalakas.”

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga istorya patungkol sa M4 at Mobile Legends: Bang Bang.