Pinaghahanda ni Billy “Z4pnu” Alfonso ang mga fans ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League – Philippines sa Bren Esports dahil ‘batak’ na raw ulit ang core player nilang si Karl Gabriel “KarlTzy” Nepomuceno.
Sa kanyang vlog, isiniwalat ng tanyag na sixth-man na bukod pa sa kanila, ang reigning M2 World Champions at Blacklist International, na defending champions ng MPL-PH, ang pinakamalalakas na koponan sa paparating na season ng mobile esports league.
KarlTzy, Bren Esports dapat abangan sa MPL-PH Season 8

Hindi naman nawala si KarlTzy pero mariing pinaalalahanan ni Z4pnu ang kanyang mga taga subaybay na dapat nilang abangan ang manlalaro at koponan nito na maagang bumalik sa pag-eensayo.
“Batak na ulit si Karl, tapos ‘yung Bren batak na ulit ngayon kasi nagsama-sama na ulit… back-to-work na sila,” kwento niya.
Tinanong din ni Z4pnu ang iba niyang kakampi katulad nina Joshua “Ch4knu” Mangilog at Patrick “E2MAX” Caidic na sumang-ayon naman sa kanyang pananaw.
“‘Yung galaw ni Karl bumabalik na ulit tulad dati,” dagdag pa niya.
Kilabot sa mga assassin na core, katulad ng Benedetta at Lancelot, si KarlTzy. Pinarangalan siya bilang MVP ng pinakahuling MLBB world championship noong 2020, ang parehong taon kung kelan nagkampeon ang Bren Esports sa MPL-PH Season 7.
Bukod dito, parte rin ang 17-taong-gulang na manlalaro sa SIBOL roster na nag-uwi ng gintong medalya sa Mobile Legends: Bang Bang discipline ng Southeast Asia Games 2019.
Lusty, best tank para kay Ch4knu

Bukod kay KarlTzy, pinuri rin ni Z4pnu sa kanyang vlog ang tank player ng Bren Esports na si Allan “Lusty” Castromayor Jr, na isa ring pamilyadong tao.
“Hindi biro ‘yung ginagawa ni Lusty. Isipin niyo… kasi nagtatrabaho siya, nag-e-ML siya, syempre may anak siya, may pamilya siya. Ang layo ng uwian niya… syempre kami dito kahit sa Manila kami magtrabaho mauuwian pa rin namin yung pamilya namin… pero ‘yung kay Lusty sobrang layo… kaya saludo ako kay Lusty,” kuwento ni Z4pnu.
Tinanong din nito si Ch4knu kung sino sa tingin niya ang pinakamalakas na tank bukod sa kanya.
“Lusty, syempre, galing champion ‘yun eh,” sagot ni Ch4knu.
Nag-viral kamakailan ang post ng tubong South Cotabato tungkol sa kanyang pag-alis. Sa caption, pinaliwanag ni Lusty na masakit para kanyang makitang umiiyak ang kanyang anak habang siya ay nagpapaalm umalis para magtrabaho.
Samantala, nakatakda namang ianunsyo ng Execration ang lilipatang organisasyon ng kanilang roster. Matatandaang hinahanapan ng bagong bahay ang mga hari ng Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2021 dahil sa “unfortunate circumstances”.
Mapapanood ang buong vlog ni Z4pnu dito: