Isa sa naging susi si star jungler Karl “KarlTzy” Nepomuceno para makuha ng Bren Esports ang 2-1 na pambawing panalo kontra sa TNC Pro Team sa Week 6 Day 2 ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines Season 8.

Nagliyab si KarlTzy sa kanyang Hayabusa sa Game 2 kung saan nagtala siya ng perpektong 9-0-6 kill-death-assist record at 100% kill participation upang matulungan ang Bren na maitabla ang serye.

Credit: MPL Philippines
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Pinagpatuloy niya ang kanyang mainit na laro gamit ang kanyang magaslaw na Sun sa Game 3 at nakipagsanib-puwersa sa Esmeralda ng kanyang “Tzy” brother na si David “FlapTzy” Canon para maiselyo ang ikaapat na sunod na panalo ng M2 world champion.

Credit: MPL Philippines
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Coach Ducky sinabing malaki na ang ipinagbago ni KarlTzy

Credit: MPL Philippines

Kamakailan lang ay nasama si KarlTzy sa mga nominado para sa isang international award na Mobile Esports Player of the Year.

Labis na ikinatuwa ng fans, ng koponan at pati ni coach Francis “Ducky” Glindro ang pagkakatampok ng 17-year-old star na marami nang naabot sa kanyang karera bilang isang professional Mobile Legends player.

Tila hindi na rin ikinagulat ni Ducky ang pagkilalang ito sa dating child prodigy na ayon sa kanya ay malaki na ang ipinagbago mula noong pumasok siya bilang coach ng Bren.

“Nakaka-proud… Sobrang laki na rin kasi ng improvement ni Karl from two years ago, magtu-two years na pala ako with him, with the team. I’m just so happy na na-recognize siya internationally,” sabi ni Ducky sa MPL post-match press conference.

Kasabay ng tagumpay ng Bren sa M2 World Championship noong Enero, kinilala si KarlTzy na MVP ng naturang torneo.

Bago nito, ilan pa sa kanyang mga nakuha ay ang kampeonato sa Southeast Asian Games 2019, MPL PH Season 6 kung saan siya rin ang tinanghal na MVP, at sa The Nationals Season 2.


Sunod na makakalaban ng Bren Esports ang “bestie” nito na Smart Omega bukas sa ganap na ika-6 ng gabi.

Sundan ang iba pang istorya tungkol sa MPL PH Season 8 sa pamamagitan ng pag-follow ng Facebook page ng ONE Esports Philippines. Mapapanood ang mga laro sa opisyal na Facebook at YouTube channel nito.