Nanaig si veteran jungler Karl “KarlTzy” Nepomuceno kontra sa umiidolo sa kanyang si rookie jungler Kyle “KyleTzy” Sayson sa unang “Battle of Tzy” ng MPL PH Season 10 (MPL PH S10) matapos walisin ng ECHO ang Bren Esports, 2-0, sa huling serye ng Week 2 Day 1.

Pinanis ng Julian ni KarlTzy ang Hayabusa ni KyleTzy sa kanilang kauna-unahang pagtatapat sa liga pero sa sumunod na laro ay inagaw ni rookie mid-support Alston “Sanji” Placibo ang spotlight gamit ang kanyang Faramis.

Nilista ng ECHO ang kanilang ikalawang sunod na panalo at sinamahan ang Blacklist International sa No. 1 spot hawak ang parehong 5 puntos. Samantala, bumagsak naman ang kartada ng Bren sa 1-2 at nanatiling hawak ang 4 puntos sa No. 3 kasama ang Nexplay EVOS.


KarlTzy, ECHO winalis sila KyleTzy at Bren Esports upang iselyo ang ikalawang panalo

Credit: ONE Esports

Dikdikan ang laban sa early game pero nagsimulang pumiglas sila KarlTzy (Julian) at ECHO pagdating ng unang Lord fight. Agresibong pinasok ng star jungler ang backline ng dati niyang koponan na Bren Esports para pangunahan ang 3-for-1 exchange at masiguro ni Sanford “Sanford” Vinuya (Benedetta) ang objective.

Mula noon ay hindi na lumingon ang Orcas at sumisid patungo sa 17-5 panalo sa loob ng 13 minuto at 52 segundo. Kumamada si KarlTzy ng 9/1/4 KDA, malayo sa 1/2/4 stats ng birthday boy na si KyleTzy (Hayabusa), habang perpektong 5/0/6 naman ang itinala ni Benedict “Bennyqt” Gonzales (Beatrix).

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Medyo nag-struggle si KarlTzy gamit ang Hayabusa at si KyleTzy sa Ling naman ang bumibida para sa kanyang koponan sa Game 2. Pero sa mahahalagang huling sandali ng bakbakan, si Sanji sa Faramis ang nagpakitang-gilas.

Pagsapit ng ikatlong Lord dance sa 18 minuto, nagtago si Sanji sa bush upang hindi maagaw ng Valentina ni Angelo “Pheww” Arcangel ang kanyang Cult Altar ultimate. Nang kopyahin na ni Pheww ang Chou ni Tristan “Yawi” Cabrera at nag-split push naman si KyleTzy sa mid, dito na sumugod ang ECHO sa Lord pit at binura ang apat sa Bren.

Agad na rumekta ang Orcas sa mid at pinuksa muna ni Sanji si Jomari “Jowm” Pingol (Brody) bago nila ipako ang 14-10 win. Itinanghal na MVP si Sanji matapos siyang kumana ng 6 kills at 5 assists kontra 5 deaths (79% kill participation) at bumitaw ng mahigit 58K damage.

Credit: MPL Philippines

Tatangkain ng ECHO na ipagpatuloy ang kanilang winning ways kontra Smart Omega sa ikalawang serye bukas. Matapos ito, susubukan naman ng Bren Esports na maka-bounce back laban sa Blacklist International.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.