Sa kabila ng kanilang pagkatalo sa kamay ng Blacklist International, nagawang magpakitang gilas ni Bren Esports star jungler Karl “KarlTzy” Nepomuceno gamit ang Paquito sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines Season 8.
Pinatikim ni KarlTzy ng kanyang kamao ang Blacklist sa Game 2 at nagtala ng 10-kill streak bago ma-shut down sa 9-minute mark ng naturang laro.
Nagawa pa ngang bigyan ng mga caster ang M2 World Championship MVP ng mga bagong moniker na “Karlsuntok” at “Karl Makunouchi” (hango sa sikat na anime character na si Ippo Makunouchi) dahil sa kanyang mabangis na performance.
Bumira si KarlTzy ng pinakamaraming kills (11) sa laro ngunit hindi ito naging sapat para mailigtas ang Bren mula sa 0-2 sweep kontra sa defending MPL PH champion Blacklist.

Ang pananaw ni Coach Duckey sa Paquito ni KarlTzy

Kilala na sa bansag na “Karltusok” ang 17-year-old standout mula sa Laguna pero dahil sa kanyang ipinakitang angas sa Paquito, mukhang may bago na namang dapat i-ban na hero kontra sa kanya.
“I don’t think ibibigay nila (mga kalaban) ‘yung Paquito,” sabi ni coach Francis “Duckey” Glindro na may halong hagikgik sa post-match presscon nang tanungin kung mapapadalas ba ang pag-pick ng Paquito para kay KarlTzy.
Giit pa ni coach Duckey, natural na malakas ang hero na inspired mula kay Pinoy boxing legend Manny Pacquiao kaya ‘di maiiwasan na ma-ban talaga ito.
“I mean napaka-flexible din niya. Regardless of how Karl performed, the hero is very strong. So makakakita at makakakita pa tayo ng mga bans na Paquito.”
Gayunpaman, siguradong gusto ng mga fans ni KarlTzy at ng Bren na makita pa siyang maglaro ng Paquito at mambugbog ng mga kalaban.
Susubukan ng Bren (1-4) na makabawi sa RSG PH sa kanilang pangalawang pagtutuos mamayang 8 p.m. Matatandaang tinalo ng RSG ang Bren, 2-1, noong Week 1.
Mapapanood niyo ang mga aksyon sa MPL Philippines sa pamamagitan ng Facebook at YouTube channel nito. Pwede niyo ring makita ang buong schedule at mga resulta ngayong Season 8 dito sa ONE Esports Philippines.
BASAHIN: OhMyV33nus pinatunayang muli na karapat-dapat i-respect ban ang kanyang Mathilda