Itinuloy ng Execration ang naunang panalo ng Blacklist International, na kasama nilang kumakatawan sa Pilipinas sa Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2021, matapos nilang paluhurin, 2-0, ang EVOS SG sa group stage ng nasabing palaro.

Ipinakita ng Execration kung bakit kinikilala sila bilang mga hari ng late game sa Pilipinas matapos nilang baliktarin ang 8-0 lamang sa kills ng EVOS SG para buksan ang unang mapa ng serye.

Sa kabila ng bwelong ipinaubaya ng mga Pinoy, hindi pa rin ito naging sapat para sa mga kampeon ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League – Singapore upang mapigilan ang Harith ni Kelra.

Ipinako ng Execration ang panalo salamat sa Maniac ng kanilang side laner bandang 17-minuto ng laban para i-punish ang pagtatangka ng EVOS SG na kunin ang Luminous Lord.

Ito, at ang pagtala ng game-high 68,336 damage dealt, ang naging susi para hiranging MVP ng laro ang 16-taong-gulang na player.

Screenshot mula sa official Filipino broadcast ng MSC 2021

Nagsilbing patunay naman ang ikalawang mapa ng serye na hindi porket Execration ang ‘late game kings’ ay natural nang mahina sila sa early game. Sila naman kasi ang nanguna sa unang limang minuto ng laro matapos magtala ng 6-0 lamang sa kills.

Tila hindi kasi natinag ang EVOS SG sa Harith ni Kelra nang muli nila itong palusutin sa draft, kasama ang Selena ni Patrick “E2MAX” Caidic. Pinagbayaran ito ng kinatawan ng Singapore nang umiskor ng pitong kills at walong assists ang MPL-PH rookie nang hindi namamatay.

Sinuklian naman ang malupit na performance na ito ni Kelra ng back-to-back MVP recognition.

Screenshot mula sa official Filipino broadcast ng MSC 2021

Itutuloy ng mga pambato ng Pilipinas ang kampanya sa MSC 2021 bukas, Hunyo 8, para sa ikalawang araw ng group stage.

Mapapanood ang Filipino broadcast ng palaro sa official Facebook at YouTube pages ng Mobile Legends: Bang Bang.