Panalo ang Smart Omega sa kanilang match laban sa TNC sa Week 3 Day 3 ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines Season 8.

Mabagal ang naging takbo ng game one na umabot ng mahigit 26 minuto, subalit nakuha pa ring magdomina ng Omega sa kabila ng halos 9K na gold deficit.

Kabaligtaran naman ang nangyari sa game two na hindi man lang inabot ng 13 minuto, kung saan naging mas agresibo ang Omega.

Ito ang ikalawang beses na nakapaglaro si Grant Duane “Kelra” Pillas sa MPL Season 8 matapos ang kanyang 2-week suspension. Makikita sa laro ng Smart Omega ang malaking pagbabago mula nang bumalik ang “Shadow Assassin.” At ngayong nakabalik na ulit si Kelra, sinasabing ito na ang simula ng muling pagbangon ng mga hari ng Southeast Asia.

MLBB MPLPHSeason8 Week3Day3 SmartOmega
Screenshot by Ron Muyot/ONE Esports

Sa post-match interview, sinabi ni Kelra na hindi pa isandaang porsyento ng kanyang laro ang ipinakita nya.

“Hindi pa yun yung tunay kong laro,” sabi ni Kelra. “Hindi ko pa nilalabas.”

Ibinahagi rin nya ang kanyang role na ginampanan sa team habang nasa sidelines noong mga panahong nasa suspension pa sya.

“Tinuturuan ko lang po sila kung anong gagawin,” kwento ni Kelra. “Yun lang naman po ang magagawa ko dahil bawal pa ko maglaro.”

Kasalukuyang nasa 2-5 standing ang Smart Omega. Susunod nilang makakalaban ang RSG sa September 19.