Patuloy na umaalingawngaw ang usapin tungkol sa planong paglipat ng Smart Omega gold laner na si Duane “Kelra” Pillas sa team RRQ Hoshi ng MPL Indonesia.

Ito ay matapos ilahad ni Billy “Z4pnu” Alfonso sa kaniyang Youtube Vlog ang kagustuhang lumipat ni Kelra sa RRQ, kasabay na rin ang naging daloy ng kanilang diskusyon at ilang komento tungkol dito.


Z4pnu sa balak na paglipat ni Kelra sa RRQ: ‘Feeling niya daw madami siya matutunan’

Credit: Smart Omega

Sa naturang Vlog, ibinahagi ni Z4pnu ang naganap na usapan sa pagitan niya at ng kaniyang protégé kung saan ipinaalam ng 17-anyos na pro ang kaniyang balak na subukan ang kaniyang lakas sa ibang bansa.

“Kinontak kami ng RRQ Indonesia. Bali, interesado sila kay Kelra,” banggit ng bantog na personaloidad. Aniya, nagkausap na din daw si Kelra at ang RRQ Hoshi bago pa man lumapit ang management nito sa kanila.

“Ang matindi doon, kinausap na din pala si Kelra, sabi ni Kelra gusto niya rin daw lumipat doon.” Bagamat may pagkagulat, sinabi naman ni Z4pnu na nasa likod parin siya ng batang pro kung ano man ang kaniyang mapag-desisyunan.

“Sakin walang problema. Suporta ako. Suporta ako kahit saan ka magpuntang team. Pero sabihin mo sakin kung gusto mo ng lumipat.”


Nagpaabot si Z4pnu ng mga payo kay Kelra sa gagawing desisyon

Credit: Z4pnu

Kaalinsabay nito, inilahad din ni Z4pnu sa vlog ang mga ipinaabot niyang payo sa batang superstar, pati na rin ang ilang saloobin niya tungkol sa balak na pagtawid ni Kelra sa RRQ.

“Puwedeng pagpunta niya ng Indonesia, marami siyang matutunan. Lalakas siya kung talagang gamit na gamit siya. Magiging Celiboy. Alberttt. Puwede siyang maging malakas doon kung matuturuan siya ng maayos, maaaalagaan siya ng maayos.”

Hindi naman itinago ng sikat na beterano ang kaniyang pangamba sa malaking pagbabagong ito.

“Kaso nga lang ‘pag hindi siya nagperform doon, ito lang ang kinatatakot ko. Kapag hindi siya nagperform doon baka mamaya matengga siya doon.”

Matatandaang matapos ang paghahari ni Kelra sa MSC 2021 kung saan tinanghal siya bilang MVP, pinurnada ng maraming isyu ang batang pro sa pagpapatuloy ng MPL PH Season 8 Regular Season.


Makakaapekto kaya ito sa desisyon tungkol sa paglipat ni Kelra sa RRQ Hoshi? Antabayanan ang pinakahuling balita sa ONE Esports Philippines.