Naibalik na ng Smart Omega ang kanilang winning formula sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines Season 8 matapos walisin ang Echo Philippines, 2-0, sa huling serye ng Week 6 Day 2.

Pero kapansin-pansin na missing in action ang kanilang star jungler na si Kiel VJ “Kielvj” Cruzem na pinalitan muna ni rookie player Dean Christian “Raizen” Sumagui.


Z4pnu ipinaliwanag ang hindi paglalaro ni Kielvj

Credit: MPL Philippines
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Sa MPL post-match interview, ibinunyag ng beteranong si Billy “Z4pnu” Alfonso ang dahilan kaya hindi naglaro si Kielvj.

“Guys si Kielvj kasi brokenhearted pa eh kumbaga brokenhearted pa siya ngayon kaya di pa makakapaglaro, nagpapahinga muna siya,” paglalahad ni Z4pnu.

“Siguro baka maglaro si Kielvj kapag in-love na ulit siya,” dagdag pa ng PH Mobile Legends icon. “Ngayon kasi medyo brokenhearted pa siya, medyo ‘di pa nakakausap nang maayos.”


Smart Omega nanaig laban sa Echo kahit wala si Kielvj

At dahil wala si Kielvj, nag-step up at nagpakitang-gilas si Raizen sa kanyang Roger na binuhat ang Omega patungo sa isang comeback win sa Game 1.

Credit: MPL Philippines
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Isa na namang come-from-behind victory ang nailista ng kampeon ng MSC 2021 sa Game 2 sa pangunguna ng matikas na Phoveus ni veteran EXP laner Renz “Renzio” Cadua.

Itinala ni Renzio ang pinakamataas na naibatong damage maging ang natanggap mula sa kalaban sa naturang laro.

Bagamat napaangat ng Omega ang kanilang marka sa 13 points, nanatili sila sa bottom two ng standings at nanganganib pa ring malaglag sa pagtatapos ng regular season.

Pero tiwala si Z4pnu na kaya pa ng “Kings of Southeast Asia” na makabangon at umabante sa playoffs.

“Lahat naman kaya basta disiplina lang talaga.”

Makakalaban ng Omega ang kanilang “bestie” na Bren Esports sa ganap na ika-6 ng gabi bago tumungo sa huling linggo kung saan makakaharap nila ang TNC Pro Team, Blacklist International at Nexplay EVOS.


Pwede niyong i-like ang ONE Esports Philippines sa Facebook para masubaybayan ang mga istorya tungkol sa MPL PH Season 8.