Gigil nang makabalik si Ashley Marco “Killuash” Cruz sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines matapos magpahinga nang isang season.

Napagdesisyunan ni Killuash na magpahinga muna nitong Season 8 matapos ang third-place finish ng Aura Philippines (ngayon ay Echo Philippines) noong Season 7. Sa isang interbyu kasama ang Manila Bulletin, sinabi niyang “medyo nawawalan na po ako ng gana at nawawala na ‘yung gutom ko manalo” kaya napagpasyahan niyang huminto muna sa paglalaro sa MPL.

Pero sa darating na Season 9, handang-handa nang sumalang muli sa competitive scene ang two-time MPL PH champion.


Killuash magbabalik sa MPL PH, handa nang maglaro sa Season 9

Killuash
Credit: Killuash

Kinumpirma ni Killuash sa ONE Esports Philippines na magbabalik siya sa MPL Philippines Season 9.

Ani ni “Mr. 5 Mins. Lothars”, bumalik na ang kanyang gutom na makipagbakbakan sa pinakamalaking mobile esports league sa bansa kung saan nagkampeon na siya nang dalawang beses–noong Season 3 kasama ang ArkAngel at noong Season 5 kasama ang Sunsparks.

“Nag-decide po akong bumalik ng MPL kasi sa tingin ko enough na po ‘yung pahinga ko ng isang season at pagbawi ko ng oras at bonding sa mag-ina ko sa mga past seasons na talagang nag-focus ako sa MPL. Siguro it’s time na ulit para bumalik,” sabi ng beteranong EXP laner.

“Nararamdaman ko na din po kasi (ulit) ang gutom ko sa laro at ginaganahan po ako sa mga taong ‘di pa rin tumitigil sa pagsuporta at pagtiwala sa kakayahan ko.”


Saang koponan maglalaro si Killuash sa MPL PH Season 9?

Credit: Aura PH

Sa ngayon, hindi pa sigurado kung saan koponan maglalaro si Killuash, pero ilang esports organizations na ang nagparamdan ng kanilang interes na kuhain siya.

“Actually, na-kafreeze po ang kontrata ko sa Echo until now pero kung sakali man pong may gustong kumuha sa’kin na ibang team at mag-buy out pwede din naman po. Kaya hindi ko pa po alam kung saan akong team malalagay ngayong season na ‘to since may mga organizations na rin pong nag-o-offer sa’kin.”

Magalang namang itinanggi ng 23-year-old player mula sa Malabon na sabihin kung anu-anong orgs ang nagbigay ng offer sa kanya dahil may mga proseso pang dapat pagdaanan.

Kaabang-abang ang pagbabalik ni Killuash sa MPL Philippines Season 9 at kung saang koponan nga ba talaga siya mapupunta.