Matapos ang sunod-sunod na pagkatalo, sa wakas ay nabigyang hustisya ng TNC Pro Team ang kanilang mantra na #AlwaysRise nang pabagsakin nila ang RSG Philippines, 2-0, sa Week 6 Day 1 ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines Season 8.
Winakasan ng TNC ang kanilang six-match, four-week losing streak para mag-apoy ulit ang kanilang pag-asa na makapasok sa playoffs.
Pagkatapos ng matalas na galawan ni Daniel “Chuuu” Chu sa kanyang Ling sa Game 1, bumida naman si Clarense Jay “Kousei” Camilo gamit ang kanyang Alice sa come-from-behind victory ng TNC sa Game 2 na naging pinakamatagal na laro sa tumatakbong season (30 minuto at 39 segundo).

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH
Isa itong malaking comeback performance para sa batang gold laner na si Kousei, na hindi nakalaro at pinalitan muna ng mas beteranong si Adrian “Toshi” Bacallo sa ilang mga nakalipas na laban.
Kousei ginawang inspirasyon ang mga negatibong komento tungkol sa kanya

Inamin ni EXP laner Frediemar “3MarTzy” Serafico sa MPL post-match interview na nabangko silang dalawa ni Kousei dahil hindi na raw sila ganoon ka-consistent maglaro.
Pero sa serye kontra sa RSG, pinakita ng dalawa na nagbabalik na ang kanilang kamandag lalo na si Kousei na talagang gigil na magpakitang-gilas dahil umano sa mga negatibong komento tungkol sa kanya.
“Parang ‘yung mga negative comments sa’kin ng mga tao ginawa ko pong inspirasyon para mas mapabuti ‘yung laro ko,” sabi ni Kousei sa TNC Catch-Up, ang post-game presscon ng koponan.
Dagdag pa ng 16-year-old gold laner mula sa Makati, hinimok siya ni coach Laurence “Lift” Ruiz na magbatak sa laro para manumbalik ang kanyang kumpyansa.
Kousei sinabing “clutch week” para sa TNC ang Week 6 ng MPL PH Season 8
Matapos ang kanilang revenge sweep laban sa RSG, tumaas ang puntos ng TNC sa 10 ngunit nanatiling nasa panganib na hindi makapasok sa playoffs.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH
May dalawang serye pang natitira ang boys in orange ngayong linggo, kontra sa Bren Esports at Nexplay EVOS, at kailangan nila itong maipanalo para mapataas ang kanilang tsansa na makaarangkada sa susunod na round.
“Clutch week po namin ‘to kailangan po naming ma-2-0 lahat ng laro this week,” giit ni Kousei.
Ang pakikipagsagupaan ng TNC laban sa Bren ay nakatakdang maganap ngayong Sabado sa ika-12 ng tanghali habang ang serye kontra sa NXPE ay sa ika-8 ng gabi sa Linggo.
Tutukan ang mga kaganapan sa MPL PH Season 8 sa pamamagitan ng pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines. Panoorin ang mga laban sa opisyal na Facebook at YouTube channel ng liga.