Hinirang ang Lyceum of the Philippines University bilang kauna-unahang kampeon ng Collegiate Center for Esports (CCE) Mobile Legends: Bang Bang 5-on-5 Varsity Cup matapos talunin ang Mapua University sa isang kapana-panabik na best-of-seven series noong Sabado, ika-20 ng Nobyembre.

Pinadapa ng Pirates ang Cardinals sa championship series score na 4-2 para masunggaban ang trono laban sa siyam na koponan sa unang campus-based esports league sa bansa.


Lyceum sinandalan ang Bane at Yi Sun-Shin sa grand finals

Credit: Moonton

Nakapagbangko ang Lyceum ng malaking 3-1 bentahe sa serye kontra sa Mapua salamat sa Bane ni Shawn Umali sa Game 4.

Sa bandang 23-minute mark, pumugak ang Pirates papunta sa Lord pit at ginulantang ang Cardinals gamit ang Deadly Catch ultimate ng Bane na nagresulta sa three-man kill at Luminous Lord steal.

Lord steal ng Lyceum sa Game 4
Credit: Collegiate Center for Esports

‘Di na nagpatumpik-tumpik pa ang Lyceum at dumiretso sa pagbasag ng base para lumapit sa kampeonato.

Bagamat nakabawi ang Mapua sa Game 5 sa likod ng Kaja ni Warren Bonifacio na nakapagtala ng 6-0-16 KDA, hindi hinayaan ni Remulla sa kanyang YSS na humantong pa sa winner-take-all ang serye.

Matapos patumbahin ng Khaleed ni Alvin Baetiong ang Chang’e, siniguro ni Remulla ang Luminous Lord sa 16-minute mark kontra sa X.Borg para iselyo ang tropeo sa unang pagdaraos ng CCE MVC.

Credit: Collegiate Center for Esports

“Masaya kami at thankful kay Lord na nabigyan ng ganitong opportunity sa gitna ng pandemic tapos ito, nag-champion pa kami,” wika ni Remulla, na tumikada ng 6-1-6 KDA sa kanyang YSS sa title-clinching game. “Very blessed kami na makasali sa unang CCE Varsity Cup tapos kami pa nakakuha ng championship.”

Bukod kila Remulla, Umali at Baetiong, kabilang din CCE MVP team ng LPU Pirates sila Renzo Navarro at Carlo Abadeza.

Binunubuo naman nila Bonifacio, Adrian Nocum, Jomer Mercado, Joaqui Garcia, Jasper Salenga at Angelo Parinas ang Mapua Cardinals na tinalo ang top seed na Colegio de San Juan de Letran sa lower bracket finals.

Credit: Collegiate Center for Esports

Plano ng CCE na sunod na ilunsad ang kanilang regular season na itatampok ang ilang esports players at mga estudyanteng nais lumahok. Ini-stream ang liga sa CALM Network at sinusuportahan ng Alaxan FR, Bio-Agrownica, Rebel Sports Pilipinas, Efficascent Relaxscent Oil, Tagaytay Pura Vida Resort and Hotel, SMDC Malls at Smart Communications, Inc. bilang mga sponsor nito.