Matapos ang dalawang linggong pakikipagbuno sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines Season 8, nakatikim ng unang panalo ang Bren Esports nang talunin nila ang Omega Esports sa score na 2-0.
Ito ang debut ni Maj Malik sa MPL kung saan pinalitan nya sa lineup si Angelo Kyle “Pheww” Arcangel. Gamit ang kanyang Alice, pinatunayan ni Malik na meron syang potensyal na maging isa sa mga pinakamalulupit na gold laner sa MPL PH.
Sa post-game interview, inamin nyang ramdam nya ang pressure sa kanyang unang pagsabak sa liga dahil na rin sa sunod-sunod na pagkatalo ng kanilang team nang mga nakaraang linggo. “Nung unang pagpasok ko, syempre pressure sa’kin ‘yon. Pero ano… alam kong yung teammates ko, may tiwala sakin,” sabi ni Malik. “Kaya ginalingan ko na lang talaga. [Ginawa ko] yung best ko. Kahit ano nang mangyari. Yun na lang. Basta manalo.”
Inamin naman ng star tank ng Bren na si Allan “Lusty” Castromayor na kinausap nya ang teammate na si Carlito Ribo at coach na si Francis “Duckey” Glindro para i-suggest na baguhin ang kanilang lineup. “Sinabi ko kay Duckey tsaka kay Ribo kung pwede na may mawala saming isa, sa aming lima,” sabi ni Lusty. “Para magbago naman yung ihip ng hangin para sa’min.”
Matatandaan din na sinabi ni Lusty sa kanilang pre-match press conference na makakaasa ang mga fans sa kanilang pagkapanalo dahil maraming pagbabago ang naganap sa kanilang team.
Patungkol ba kay Malik ang mga binitawang salita ni Lusty? Si Malik na nga ba ang sagot upang muling makaahon sa rankings ang reigning M2 World champions?
Makakalaban ng Bren ang Blacklist International sa September 11 at RSG PH sa September 12, 8:00 p.m. GMT+8.
Mapapanood ang mga laban sa official Facebook page ng MPL Philippines.