Wagi ang Smart Omega laban sa TNC Pro Team sa Week 7 Day 1 ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines Season 8.

Sa huling linggo ng regular season ng MPL PH Season 8, tinalo ng Kings of the SEA ang TNC sa score na 2-0.

Dahil sa panalong ito ay na-secure na ng Omega ang kanilang pwesto para sa playoffs. Kabaligtaran naman ang naging epekto nito para sa TNC dahil sa kasamaang palad ay laglag na sila para sa season na ito.

MLBB SmartOmega Winner 2-0
Credit: MPL PH

Mensahe ni E2MAX

Sa post-match interview, nagbigay ng mensahe ang Omega team captain at Game 1 MVP na si Patrick James “E2MAX” Caidic para sa TNC.

“Bawi na lang next season,” sabi ni E2MAX. “Binigay naman nila yung best nila. Marami naman sila natutunan this season.”

MLBB MPL PH E2MAX MVP
Credit: MPL PH

May mensahe rin si E2MAX para sa mga masusugid nilang fans.

“Kung kelan tingin nyong humihina kami, dun kami mas lumalakas,” sabi ng Smart Omega team captain. “Kasi lose streak kami nung nakaraan, diba? Sayempre akala nila malalaglag na kami, pero dun parang mas nabu-boost kami.”

Ramdam ang pasasalamat ni E2MAX sa kanilang mga fans at supporters. “Thank you sa mga fans na nagsupport samin kahit parang muntik na kami malaglag. Hindi sila sumukong suportahan pa rin kami.”

Susunod na makakalaban ng Smart Omega ang Blacklist International sa October 9, 8:00 p.m. GMT+8.

Mapapanood ang mga matches nang live sa opisyal na Facebook channel ng MPL Philippines.