Ito ay pagsalin mula sa orihinal na article tungkol sa MLBB Post-MSC 2021 Power Rankings.

Matapos ang mainit na bakbakang naganap sa nakaraang Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup (MSC 2021), nabigyan tayo ng pagkakataong makita ang ilan sa mga pinakamagagaling na kupunan sa Southeast Asia, gayundin kung paano nila sinubok ang isa’t-isa.

Paliwanag tungkol sa MLBB global power rankings post-MSC 2021

Para sa power rankings na ito, nagbatay din kami performance ng bawat team bago sila makapasok sa MSC 2021. Kasama dito ang mga kupunang nagpakitang gilas sa kani-kanilang MPL regions ngunit hindi nakasama sa torneo.

Heto ang sampung pinakamalalakas na kupunan sa competitive MLBB:


1. Execration

Credit: Moonton

Ang Execration ang nagbahagi sa atin ng pinaka-dramatikong storyline sa buong torneo. Noong matalo sila ng EVOS Legends sa kanilang upper bracket salpukan, kinailangan nilang gapangin ang lower bracket bakbakan na kinabilangan ng mabibigat na teams na Impunity KH, RSG MY at sa huli ay EVOS Legends muli.

Sa grand finals ng international na event ay hinarap nila ang parehong team na nagpaluhod sa kanila noong MPL PH Season 7 grand finals. Ngunit sa kanilang muling pagtutuos, pinatunayan ng Execration na sila ang bukod-tanging makababasag sa code ng Blacklist International.

Mula sa pagiging mid-tier kupunan sa MPL PH Season 6 patungo sa pagiging kampyon ng MSC 2021, hindi maikakailang ang Execration ang nasa tugatog ng mundo ng MLBB ngayon.


2. Blacklist International

Credit: Blacklist International

Kilala bilang ang kupunang nagpauso ng ‘Nice one, baby’ meta, umarangkada ang Blacklist International matapos makuha ang tulong ng former ONIC PH duo na sina Daenerie James “Wise” Del Rosario at Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna. 

Matatandaang sa kanilang biyahe patungong MPL PH Season 7 Champions ay iisa lang na talo ang nakuha ng kupunan ng Tier One. Dahil dito ay madaming nagpalagay na sila rin ang makakapagsuot ng MSC 2021 korona.

Kahit na hindi ito ang lumabas na resulta ay siguradong magbabalik ang Blacklist na taglay ang init na ipinakita nila sa mga nakaraang torneo.


3. EVOS Legends

Credit: OneEsports ID

Sumabak sa MSC 2021 ang MPL ID Season 7 Champions na EVOS Legends na wala ang kanilang mga star players na sina Luminaire at Wann. Gayunpaman ay ipinakita pa rin nila na dekalibre ang kanilang kargada noong sinipa nila papuntang lower bracet ang Execration.

Sa upper bracket final naman ay niyanig sila ng Blacklist, 3-1, kung saan bumaba sila sa lower bracket para sa Execration rematch. Nagtapos ang biyahe ng EVOS Legends na winalis sila ng Execration 2-0.

Pinakamalakas mang ituring team ngayon sa Indonesia ay mistulang hirap sila kapag inihaharap sa mga Pinoy teams. 


4. Bren Esports

Credit: Tammy David/Evident

Maagang napauwi ang M2 World Champions sa nakaraang MPL PH Season 7. Kasamang nawala ang tiyansa nilang patunayan ang kanilang mga sarili sa MSC 2021. Kahit pa ganito ang nangyari ay hindi maitatangging iba pa rin ang kamandag ng kupunang ito.

Kung babalikan ang nakaraang MPL PH season ay makikitang sila lamang ang kupunang nakapagpataob sa kalaunan ay champions na Blacklist International.

Sa kabilang banda, inamin din ng Coach ng Bren Esports na si Francis “Duckey” Glindro na kulang sa gigil ang kaniyang team sa unang bahagi ng season matapos iuwi sa Pinas ang M2 World Championship. 

Kaya naman ngayong susunod na MPL-PH season ay asahang mas gigil ang kupunan ni Coach Ducks.


5. RSG MY

Credit: Moonton

Panglima sa ating MLBB global power rankings ang RSG MY dahil sa kanilang magandang pagpapakita hindi lang sa MSC 2021 kundi sa MPL MY Season 7 din. Hindi inaasahang panglalason ang inihandog ng RSG sa defending champions na TODAK sa score na 4-2 para iuwi ang kampyonato.

Malayo din ang narrating ng RSG MY sa international competition kung saan nakapunta pa sila ng upper bracket kung saan pinigilan sila ng Blacklist Interntional. Sa lower bracket naman ay kinulang sila kontra Execration.

Hindi pa nakakapag-uwi ng international na title ang Malaysia ngunit dahil sa ipinakitang tindig ng RSG MY ay hindi malayong makakaisa din sila.


6. Bigetron Alpha

Credit: Moonton

Tumiklop ang Bigetron Alpha sa Impunity KH ng Cambodia noong group stage ng MSC 2021. Pinauwi naman sila ng RSG MY sa second round ng lower bracket playoffs.

Kahit pa mataas ang tiwala ng mga Indonesian sa kupunang ito ay mas pinahirap sila ng pagkakasuspindi ng kanilang core player na si Jabran “Branz” Bagus Wiloko.


7. Aura PH

Credit: Tammy David/Evident

Sa lahat ng kupunan sa MPL-PH, Aura PH ang kupunang kinatatampukan ng pinakaramaraming sikat at talentadong manlalaro. Katibayan nito ang kanilang matikas na 9-4 record sa nakaraang MPL PH season kung saan pumangalawa lamang sila sa Blacklist International.

Kaya naman sa tingin namin ay karadapat-dapat sila bilang ikapito sa aming global power rankings. Kahit pa third place finish lamang ang natamo ng team sa Season 7 ay maasahang magbabaga ng mas matindi ang Aura Fire sa Season 8.


8. Genflix Aerowolf

Credit: Moonton

Sinorpresa ng Genflix Aeroworlf ang madla sa pangalawang bahagi ng MPL ID Season 7 matapos paluhurin ang mga bigating teams tulad ng ONIC ID at EVOS Legends.

Pinatunayan nila sa bandang huli na hindi lang ito swerte sa pagpapatalsik sa defending champions na RRQ Hoshi at first placer ONIC Indonesia sa playoffs.

Kahit pa hindi sila umubra sa EVOS Legends na kalaunang mga kampyon ng tournament ay naiukit nila ang pangalan ng kupunan bilang mga giant slayers sa MPL ID.


9. Impunity KH

Credit: Impunity Cambodia

Bukod-tanging non-MPL team sa ating post-MSC 2021 global power rankings ang Impunity KH. Isa lang ang ibig sabihin nito. Tunay na may tindig ang Cambodian team. Sa nakaraang MSC 2021, pinahirapan ng Impunity ang bawat kupunang nakaharap nila, kasama na dito ang kampyon na Execration.

Kahit pa napigilan sila ng Pinoy team sa huli ay nagawa naman nilang tiklupin ang malalaking pangalan tulad ng Bigetron Alpha at EVOS SG kaya naman nararapat sila para sa 9th place.


10. EVOS SG

Credit: MPL SG

EVOS SG ang unang kampyon ng MPL SG pagkatapos nitong opisyal na humiwalay sa MPL MY. 

Hindi naging madali ang biyahe ng EVOS SG sa MSC 2021 kahit pa tinulungan na sila ng ngayon ay retiro na si Stefan “Soul” Chong Ru Chyi. Impunity KH ang nagpauwi sa kanila sa first round ng lower bracket.

Kahit pa bago lang ang MPL SG ay maasahan nating ipagpapatuloy ng EVOS SG ang kanilang pangingibabaw sa MPL region. Kasama nito, asahan din nating oras lang ang kailangan ng kupunan para gulatin tayo sa susunod na international na kumpetisyon.