“It’s either maglalaro ako sa practice o ako ang magmomold ng characters nila.”

Iyan ang naging tugon ni Elyson “Wrecker” Caranza ng RSG PH sa tanong kung ano ang gagampanan niya para sa bago niyang kupunan. Masigla niyang sinagot ito, magalang pa nga; dala pa rin ang malaking aura na nagpatanyag sa kaniya sa MLBB eksena sa Pinas.

Credit: RSG PH

Bagamat tumatawid sa manipis na pisi ang ganitong uri ng mga katanungan para sa isang bagong pro player (natural, ang trabaho ng pro player ay maglaro at manalo), may rason kung bakit nais itong linawin ng mga miron.

Hindi nag-iisa si Wrecker sa mga MLBB personalities na ngayon ay parte na ng propesyunal na kupunan na sasabak para sa paparating na Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 8.

Credit: BREN Esports

Nauna nang ibinalita ang pagpasok ng pinakasikat na MLBB personality na si Setsuna “Akosi Dogie” Ignacio sa pro team ng NXP EVOS. Nagbalik naman sa M2 World Champions Bren Esports ang maiinit na pangalan nina Raven “L3bron” Alonzo at Ralph “Coco” Sampang.

Madaling isipin na ang layunin lamang ng mga MLBB personalities at mga kupunang ito ay makahatak ng maraming manonood sa kani-kanilang mga laban. May punto. Hindi naman sikreto na may negosyong kaakibat ang ligang ito.

Ngunit magkakamali ang sinumang hihinto sa mababaw na katwiran na ito.

Tinatangkilik ang MPL hindi lamang dahil dito sinusubukan kung sino ang pinakamalakas at pinakamagilas na kupunan. Sinusubaybayan ito dahil sa mga kuwentong nabubuo, sa mga tunggaliang nagsisimula’t hindi nawawakasan.

Credit: Nexplay EVOS

Pinapanood ito dahil sa istorya ng bawat pro player na nagsasalubong papunta sa natatanging tropeyong ginto.

Ang pag-anyaya sa mga MLBB personalities na kasing-tunog ni Wrecker na sumanib sa isang pro team ay magbibigay lamang ng karagdagang tamis at anghang sa malinamnam nang kuwento ng MPL.

Ito ay saludo ng bawat kupunan sa mga fans na patuloy na sumusunod sa kanila sa ginhawa’t pighati. Sa kabilang banda, ito ay pagtanggap naman ng mga MLBB personalities na ito sa malaking tahakin na palawakin pa ang komunidad na mayroon ang MLBB sa Pilipinas.

Bagamat may sari-sariling layunin at gustong patunayan ang mga personalidad na ito, maaasahan na ito ay para sa ikabubuti lamang ng eksena.

Credit: RSG PH

“Gusto ko magscout ng players. What I want to achieve with my new family is matulungan sila makamit yung pangarap nila sa Esports.

Iyan ang naging tugon ni Elyson “Wrecker” Caranza ng RSG PH sa tanong kung ano ang gagampanan niya para sa bago niyang kupunan.