Bilang pagbibigay-pugay sa ika-sampung anibersaryo at milestone season ng MPL Philippines, ilulunsad ng liga ang MPL PH Hall of Legends, ang sariling bersyon ng liga ng hall of fame na popular din sa ibang sports.

Inilahad ang balitang ito sa naganap na MPL-PH S10 Pre-Launch Press Conference Lunes ng hapon, kaalinsabay ng paglabas ng iba pang detalye tungkol sa inaantabayanang season.


Ano ang MPL PH Hall of Legends?

Credit: ONE Esports

Ang MPL PH Hall of Legends ay isang inisyatibo ng liga para bigyan ng karangalan ang esports athletes na nagbigay-daan sa patuloy na pag-usbong ng Mobile Legends eksena sa bansa.

Ngunit hindi lamang sa mga atleta nakasentro ang nasabing programa. Idinitalye ng Marketing and Business Development Specialist ng Moonton na si Maui Tang na malaki ang gagampanan ng fans at ng community dito.

Aniya, “Since we’re giving more power or more voice to the stakeholders, the fans, and the community, we give the stakeholders the voice to nominate athletes they feel that deserve to be counted as part of the top 10 legends of the MPL.”

Credit: Moonton

Bubuuin ng Moonton executives, players, coaches, media at ng fans ang MPL voting committee na maghihirang sa sampung atleta na makakasama sa unang Hall of Legends na paparangalan sa Finals.

Nilinaw din ni Tang ang pamantayan para makasama sa listahan ng mga inductees. “Any MPL-PH professional player who played in Season 1 up to the current Season 10 can be nominated. Nominees can also come from the current team/roster playing in Season 10.”

Plano rin daw ng MPL na ipagpatuloy ang paghahalal sa Hall of Legends sa bawat milestone season ng liga. “We will be planning to hold it every milestone season. For example Season 10, Season 20, or whatnot.”

Credit: Ribo

Nakatakdang magbukas ang MPL Philippines Season 10 regular season sa finals rematch ng RSG Philippines at Smart Omega ngayong August 12, alas-sais ng gabi.

Sundan ang pinakahuli sa MPL PH sa pamamagitan ng pagsubaybay sa Facebook ng ONE Esports Philippines.

BASAHIN: MPL PH Season 10: Storylines, schedule, resulta, format, at saan mapapanood