Mainit ang pagsisimula ng second half ng MPL Philippines Season 11 (MPL PH S11) kung saan sinimulan ng mga koponan ang ikalawa nilang pagtatagpo sa gumugulong na regular season.

Tampok sa unang araw ng Week 5 ang Grand Finals rematch ng M4 World Championship sa pagitan ng Blacklist International at ECHO. Samantala, nagsagupaan naman ang Nexplay EVOS at TNC Pro Team ML para manatiling nasa karera sa daan papunta ng playoffs.


Resulta ng MPL PH S11 Week 5 Day 1

ECHO kinumpleto ang season sweep kontra Blacklist

Sumabog sa tili at palakpakan ang Shooting Gallery Studios sa Makati sa muling pagkikita ng defending champions Blacklist at world champion ECHO. Unang mapa pa lamang ay dikdikan na ang inihandog ng dalawang bigating teams sa mga miron sa larong tumagal ng lampas 20 minuto.

Credit: MPL Philippines

Sa huli ay natagpuan ng Purple Orcas ang tagumpay sa likod ng matikas na Yu Zhong ni Sanford “Sanford” Vinuya na pumukol ng 5/3/7 KDA para hiranging MVP.

Sinubukang isarado ng ECHO ang serye sa game two ngunit ipinakita ni Edward “EDWARD” Dapadap kung bakit siya ang 2-time MPL PH MVP. Kumana ang Arlott ng Blacklist EXP laner ng perperktong 3/0/8 KDA para sagasaan ang Purple Orcas sa larong tumagal lamang ng lampas sampung minuto.

Bagamat wala sa kanilang hanay ang momentum ay natagpuan ng M4 champs ang dulas na kinakailangan para mapugo ang koponan ng Tier One sa decider, sa pagkakataon naman ay sa likod ng Ruby ni Tristan “Yawi” Cabrera na nagtala ng game-high 9 assists katuwang pa ng 2 kills.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

NXPE inapula ang TNC, 2-1

Ipinagpatuloy ng bakbakang Nexplay EVOS at TNC ang mainit na eksena sa unang araw ng MPL PH Season 11 Week 5. Naunang makahanap ng tira ang White Tigers na sinandalan ang Melissa ni Dominic “DomengDR” Delmundo para sa malinis na 15-minute tagumpay.

Credit: MPL Philippines

Hindi naman pinayagan ng Phoenix Army na maagang mapauwi nang pihitin nila ang hingateng late game para kuhanin ang tabla sa lampas 24-minutong game two. MVP ng laro si John Vincent “Innocent” Banal na hinawakan ang Moskov na naglista ng 5/5/3 KDA statline.

Gayunpaman, lumabas na mas disiplinado ang NXPE sa huling laro ng serye nang patirin nila ang TNC sa ika-23 minuto para makumpleto ang series sweep. Sentro ang play ni Christian “GoyongDR” Martinez sa kaniyang Pharsa na tinapos ang laro ng may perpektong 2/0/8 KDA.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Makibalit sa pinakahuli sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: Hindi nagbago ang pagtingin ni KarlTzy sa Tankcelot kahit nanalo gamit ito kontra Blacklist