Si Jonard Cedrix “Demonkite” Caranto ng RSG Philippines ang hinirang na MPL PH Season 8 Best Rookie.

Nagtala ng kabuuang 66 points ang RSG PH jungler para iselyo ang titulo, na malayo sa 31 points ni Christian “Raizen” Sumagui ng Smart Omega at 16 points ni Jhonwin “Hesa” Vergara ng Nexplay EVOS.

Credit: MPL Philippines

Malaki ang ginampanan ng ngayon ay MPL PH Season 8 Best Rookie para sa kaniyang kupunan na nagtapos sa 6th place sa rankings matapos ang regular season.

Credit: MPL Philippines

Bagamat hindi nakalagpas kontra Nexplay EVOS sa playoffs, hindi nito nadungisan ang magilas niyang performance sa kabuuan ng Season 8 kung saan nagtala siya ng magkakasunod na 4.16 kills per game, 5.14 assists at 71.37% kill participation.

Credit: MPL Philippines/ Screenshot ni Calvin Trilles ng ONE Esports PH

Kapansin-pansin din ang kaniyang halimaw na 5.55 KDA average na hindi lamang pinakamataas sa mga first year pro, kundi pangalawa rin sa pinakamataas sa buong liga ayon sa pinakahuling datos mula sa MPL PH.

Bukod dito, panglima din si Demonkite sa bilang ng total kills ngayong season, habang nasa dulo naman ng listahan sa average deaths.