Hindi bigo ang mga miron sa ipinakitang gilas ng mga kupunang nakipagbakbakan sa MPL PH Season 8 Playoffs Day 1.

Tampok sa Season 8 playoffs opener ang dominanteng 3-0 sweep ng Nexplay EVOS kontra RSG Philippines, habang inilabas naman ng Smart Omega ang kanilang kamandag para patumbahin ang ECHO, 3-1.


NXPE winalis ang RSG PH, 3-0 sa MPL PH Season 8 Playoffs Day 1

Credit: MPL Philippines

Matalinong drafting. Displinadong execution. Malinis na trabaho.

Iyan ang naging istorya ng MPL PH Season 8 Playoffs Day 1 opener kung saan pinadapa ng NXPE ang RSG PH sa 3-0 series sweep para umangat sa second round ng playoffs.

Henyong drafting ang ipinakita ni Nexplay Coach John Michael “Zico” Dizon na isinelyo ang Natan picks sa tatlong laro ng serye para ipinahawak kay Jhonwin “Hesa” Vergara.

At hindi naman ipinahiya ng NXPE gold laner ang kaniyang coach. Magilas na maniobra ang isinalang ni Hesa sa series sweep kung saan nagtala siya ng magkakasunod na 2/0/5, 4/1/7 at 5/0/7 KDAs.

Credit: MPL Philippines/ Screenshot ni Calvin Trilles ng ONE Esports PH

Pinaka-pansin ito sa Game 3 kung saan makailang ulit na ninakaw ni Hesa ang Lord mula sa RSG na pumigil sa kanilang late game push at nagbukas ng oportunidad ng comeback win para sa kaniyang kupunan.

Habang si Hesa ang pinagkatiwalaan sa late game, kakaibang lebel din ng ML ang ipinakita ng ibang mga miyembro ng NXPE. Sa game 1, magnipikong Jawhead ang nilaro ni Tristan “Yawi” Cabrera kasama ang Eudora ni Jeniel “YellyHaze” Bata-anon para sagasaan ng RSG sa early game.

Makati na Paquito jungler naman ni John Paul “H2wo” Salonga ang tumulong sa early game atake ng NXPE sa game 3 para itala ang 3-0 panalo.

Sa MPL PH Season 8 Playoffs Day 1 panalo na ito, aangat ang NXPE sa second round at haharapin ang ONIC Philippine sa semifinals.

Early game atake ng Smart Omega sapat para patumbahin ang ECHO, 3-1

Credit: MPL Philippines

Kung gaano kainit ang labanang naganap sa unang serye ng MPL PH Season 8 Playoffs Day 1, ay ganoon din nagbaga ang bakabakan sa pagitan ng Smart Omega at ECHO.

Gamit ang kanilang bagong luto na early game atake, nagawang patumbahin ng Omega ang ECHO sa loob lamang ng apat na laro, tampok ang Lou Yi diversion play ni Patrick “E2MAX” Caidic na sumelyo ng tadhana ng ECHO sa game 4.

Bida rin sa nasabing serye ang madulas na Mathilda plays ni Joshua “Ch4knu” Mangilog sa game 1, habang nagpakita naman ng malahalimaw na galawan si Dean “Raizen” Sumagui sa kaniyang Hayabusa sa game 2.

Sa MPL PH Season 8 Playoffs Day 1 panalong ito, aabante ang Smart Omega sa bracket at kakaharaping muli ang bigating Blacklist International para sa MSC 2021 Grand Finals rematch.

Magsisimula ang 2nd round bakbakan sa October 21.


I-like at i-follow ang Facebook page ng ONE Esports PH para sa mga istorya tungkol sa MPL.