Bilang isang batikan na international shoutcaster at analyst para sa Mobile Legends: Bang Bang, marami nang napanood na VODs si Caisam “Wolf” Nopueto tungkol sa mga teams na kasalukuyang lumalaban sa MPL Invitational. At matapos panoorin ang unang araw ng MPLI, narito ang kanyang palagay sa kasalukuyang estado ng top 10 teams sa Power Rankings.
Para maging patas sa top 4 teams na hindi pa naglalaro (maliban sa RRQ), ito pa rin ang orihinal na pwesto ng top 4 ni Wolf bago pa man magsimula ang MPLI.
1. Blacklist International

Sa kasalukuyang metagame, wala pang nakakatumbas sa top-tier strategies na galing sa laboratory nina Bon Chan at Dex Star. Maging ang mga Indonesian fans ay sasang-ayon kapag sinabing ang Blacklist International ang team to beat sa MPLI. Ang pwersa sa likod ng back-to-back MPL championship ng Filipino squad na ito ay nagmumula sa kakayahan ng mga players nito na makapag-adjust sa mga strategies kung saan makakasabay sila sa kalaban — o pilitin ang kalaban na sumabay sa kanila. Ang bagong salta na si Hadji ay tila si Kevin Durant noong kakasali nya lang sa Golden State Warriors na naging intrumento para makamit ng kanyang koponan ang kampeonato gamit ang kanyang 19 unique heroes sa apat na iba’t ibang roles. Bukod pa dito si Wise, na may 15 unique heores picks.
Ang laboratoryong ito ay puno ng maraming strategies at malawak na hero pool, pero isang bagay ang nananatili: sikat na sa international scene ang “UBE” strategy.
2. ONIC Indonesia

Matapos ang matinding pagsubok sa kahabaan ng season, nagawa pa ring maging kampeon ng ONIC Indonesia sa nakakakabang BO7 Finals, na narrating nila mula sa Lower Bracket. Di maitatanggi ang itinaas ng lebel ng talento at husay ng ONIC Indonesia sa season na ito. Isa itong team na pinanatili ang kanilang roster mula noong nakaraang season, at iyon, para kay Wolf, ay isa sa mga importanteng sangkap ng kanilang tagumpay. Makikita natin ang isang fully-developed na ONIC Indonesia, at malaki ang tsansa nilang makuha ang korona.
3. RRQ Hoshi

Sa totoo lang, inilagay ni Wolf ang RRQ Hoshi sa ikaapat na pwesto. Ngunit matapos nyang mapanood ang El Clasico sa unang araw ng MPLI, sigurado na syang dito ang nararapat na pwesto ng team. Pinatunayan ng koponan na ito na ang kanilang drafting at mastery sa kanilang strategy ay isa sa pinakamalakas sa kanilang rehiyon. Pinahirapan ng kanilang targeted drafting style ang EVOS Legends, at siguradong magiging mahirap din ito para sa ibang teams. Sa draft pa lang, checkmate na ang kalaban.
Nakakabilib din ang pagpwersa nilang magkaroon ng game 7 laban sa ONIC Indonesia, lalo na’t kilala silang hindi basta-basta sumusuko at laging nakakahanap ng paraan para manalo.
4. ONIC Philippines

Narito ang pangontra sa Blacklist International: ang mga masters ng “Banana Split” na nagpasikat sa kanila at sinasabing kabaligtaran ng “UBE” Strategy, ang ONIC Philippines. May kakaibang husay ang koponang ito sa pag-control ng tempo ng laro, at kilala bilang mga henyo ng macro-management sa Pilipinas. Hindi batayan ang hero kills para sa team na ito pag sila ang naglalaro — yung gold ang mahalaga. Ito yung team na dapat mong binabantayan sa minimap, at hindi lang sa nakikita mo sa iyong screen.
Sa likod ng tagumpay ng ONIC Philippines sa MPL PH Season 8 ay ang mastermind na si Coach Yebmaester, na ginamit ang lahat nang kanialng players, pati ang mga reserves, at nagpanalo sa kanila.
5. Alter Ego

Mas maganda ang naging resulta ng Alter Ego kumpara sa EVOS Legends, bukod pa dito ay mahusay ang ipinakita nila sa kanilang games sa MPLI Day 1. Hindi nawawala ang Alter Ego sa tuwing pinag-uusapan ang teams sa Indoneisa at SEA region. Maganda ang naging takbo ng team nitong nakaraang season ng MPL ID, wala silang talo hanggang sa bumagsak ang pinakahuling patch.
Kung pagbabasehan ang kanialng performance sa MPL Season 8 Playoffs, maituturing pa rin silang threat sa MPLI, pero hindi hihigit sa naunang apat. At dahil nagkakamali sila laban sa team na dapat ay madali lang para sa kanila, madaling mahanapan ng butas ang Alter Ego.
6. Smart Omega

Ang kasalukuyang may hawak ng korona bialng mga hari ng Southeast Asia ay hindi naging matagumpay sa MPL Season 8 playoffs, kung saan nagtapos sila sa ikatlong pwesto. Bagama’t napanatili nila ang kanilang composure, ang pagiging indecisive nila sa jungle role ang nagbigay problema sa kanila pagdating sa playoffs. Mahusay si Raizen, hindi maitatanggi yan, ngunit dahil hindi nila mahanap ang kanilang jungler sweet spot, kinapos sila sa kanilang huling apat na matches sa MPL Philippines.
Pero hindi pa rin pweedeng isantabi ang Omega. Halimaw si Kelra, at nariyan din ang “Ch4k Mamba”. At ang talagang nagdala ng kampeonato kasama na ang MSC championship sa Omega, na dating Execration, ay ang kakayahan nilang sumabay at lumaban sa kabila ng matinding hamon na kinakaharap nila.
7. ECHO Philippines

Nakuha ng ECHO Philippines ang Top 7 spot matapos nilang talunin ang kanilang kapatid na Aura Fire sa unang araw ng MPLI. Mahusay ang pagkapanalo nila, kung saan namayagpag ang rookie na si RK3, pati na rin ang Hades-BennyQT power core duo. Parating na sa Southeast Asia si “Typhoon Benny”, na nagsisilbing malaking banta sa buong rehiyon, dahilan na rin sa top tier ang talent pool ng squad na ito. Kailangan lang nilang itama ang kanilang early-to-mid game decision making. Ang tanong, magagawa kaya nila ito sa oras sa kabila ng mahigpit at nakakapagod na schedule ng MPLI?
8. Team SMG

Winalis ng Team SMG ang kanilang mga katunggali sa kanilang rehiyon, ngunit pangwalo pa rin sila sa power rankings ni Wolf. Kung pagbabatayan ang performance, mas maganda ang command sa early game ng naunang pitong team sa listahang ito, bukod pa rito ang mas malawak na hero pool at strategies sa daigdig ng Mobile Legends. Isang malaking hakbang din ito para sa SMG dahil kakaharapin nila ang international meta mula sa iba’t ibang playstyles ng rehiyon. Ang tunay na pag-asa ng team na ito ay nakasalalay sa kanilang beteranong coach, at kung paano makakatulong sa SMG squad ang kaniyang kaalaman at karanasan.
Dagdag pa rito nasa group of death din sila. Di na siguro kelangan pang ipaliwanag yan.
9. Nexplay EVOS

Isa na namang team na hindi kadalasang napapasama sa Top 10, ngunit kung titignan ang kanilang performance at coaching staff, sila ang mga tunay na underdog na siguroadong gugulat sa marami sa MPLI. Bitbit ng Nexplay EVOS ang isang rookie na umugong sa Pilipinas bilang isang nakakatakot at batang offlaner na talaga namang nakakabilib. Hindi pa sigurado kung maririnig natin ang warcry ng hitman na si Renejay sa mga laban ng Nexplay, pero siguradong marami ang matutuwa pag napanood na nila sina H2wo at Yawi, samahan mo pa ng pamumuno ng beteranong si Yellyhaze.
10. EVOS SG

Isa na namang kampeon sa kanilang sariling liga. Subalit kung papanoorin sila maging sa kanilang championship ruin, magiging alanganin ang takbo ng EVOS SG sa MPLI dahil sa kanilang overhaul. Pero dahil nga sa kilala na ang EVOS at kakaiba ang tinatanggap nitong suporta mula sa organisasyon, hindi nakakagulat na magkaroon ng malaking pagbabago sa kanilang performance matapos ang tatlong linggo nilang paghahanda pagkatapos ng kanilang championship run.
Pero hanggang sa mangyari ito, hindi pa rin tayo makakasiguro sa lakas ng EVOS SG pagdating sa mga international competitions.