Dekalibre ang mga ipinakitang plays ng mga kupunang nagsalpukan sa pangalawang araw ng MSC 2021 Group Stage Phase 1. Heto na ang mga resulta ng bakbakan:
Match 1: Impunity impresibo kontra Bigetron, 2-1
Hindi ginawang madali ng Impunity KH ang gustong mangyare ng Bigetron Alpha na makabawi sa Day 2 matchup. Sa game 1 pa lang, maganda ang pinakitang pagsupil ng Impunity sa early game ng kalaban sa likod ng value plays ng Jawhead ni Tyy at Granger ni WIGHTNITE .
Ngunit dahil sa beteranong shot calls at perpektong disengage mechanics ng Bigetron, unti-unting nabawi ng Indoesian team ang momentum para nakawin ang game 1.
Sa game 2 naman, pinatunayan ng turtle lane ng Cambodian team kung bakit siya tinawag na “Oppi”. Gamit ang kanyang Benedetta, tinulungan niya ang kanyang kupunan sa pamamagitan ng pressure sa lanes at krusyal na mga pitas para itabla ang serye, 1-1.
Kinumpleto ng Impunity ang upset laban sa bigating Indonesian team sa game na umabot ng 25 minuto. Sentro sa pagkapanalo ng Cambodian team ang pagpwersa ng late game kontra sa early game-centric ng kanilang kalaban, 2-1. Susi sa upset panalo si WIGHTNITE sa kanyang YiSunShin na nagtala ng 12/2/13 KDA.
Match 2: Two sorry sabi ni Kuya Billy sa Nightmare Esports
Tampok sa ikalawang matchup ng Day 2 ang pagbabalik ni Billy “Z4pnu” Alfonso sa in game lineup ng Execration. Gamit ang Chou at Yve, tinulungan ni Kuya Billy ang kanyang kupunan maselyo ang mabilis na 2-0 kontra Nightmare Esports.
Bida din sa seryeng ito ang MVP performances ni Joshua “Ch4knu” Mangilog sa kanyang Kaja at Akai picks na tumulong sa team na magset-up sa mga krusyal na pitas at makakuha ng objectives.
Match 3: Upper bracket secured para sa RSG MY
Malinis pa rin ang talaan para sa MPL-MY S7 Champions RSG MY na mabilis na nilampaso ang IDoNotSleep, 2-0 sa Day 2 ng Group Stages. Bida sa game 1 ang hype na hype na Khufra pick na ipinasakamay kay Zacus na nakakuha ng MVP gantimpala sa 2/6/15 KDA.
Hindi pumayag ang IDNS na maging madali ang pagselyo ng upper bracket para sa RSG. Sa pamamagitan ng Angela priority pick para kay Patchara “Ranella” Korpakdee at obra maestrang Hayabusa gameplays ni Phumin “Loysss” Inthachot, napwersa ang laro patungo sa late game.
Subalit nagbago ang ihip ng laban ng isa-isang tumumba ang mga miyembro ng Thailand team sa death push 22 minuto sa laro kung saan nabaliktad ang push pabor sa Malaysians. Si leixia ang binigyan ng MVP of the game gantimpala sa kanyang Ling na may 10/2/9 KDA.
Sa panalong ito, pangalawang team na ang RSG MY na makakatamo ng upper bracket slot.
Match 4: Matuling trinabaho ng EVOS Legends ang Cyber EXE
Hindi pa natapos ang pagwawalis ng EVOS Legends sa mga kupunang kabilang sa Group B sa MSC 2021. Sa sabong nila ng Cyber Exe sa ika-apat na matchup ng Day 2, matulin ang ginawang pagkatay ng M1 World Champions sa mga Viets.
Umabot lamang ng lampas 20 minuto ang kabuuan ng dalawang laro kung saan bida sa parehong laro ang Jungler ng Indonesian team na si Perdyansyah “Ferxiic” Kamaruddin.
Sabog ang Cyber EXE sa Granger at Lancelot picks ni Ferxiic na nagtala ng magkasunod na 15.0 at 10.0 average KDA para sa 2-0 sweep.
Match 5: Blacklist International, nandarag sa Day 2
Pinatunayan muli ng Blacklist International kung bakit sila ang paborito na manalo sa MSC 2021. Sa kanilang serye kontra Impunity KH, pinakita nila kung paano trumabaho gamit ang dual support composition gayundin ang agresibong poke supports.
Bagong luto ang inihain ng Blacklist International sa game 1 ng inilabas nila ang Bruno para kay Danerie “Wise” Del Rosario. Malakas na early game at swabeng end game ang ipinakita ng MPL-PH Season 7 champion na pinasarap pa ng Maniac para sa Bruno papunta sa mabilis na game 1 panalo.
Sa game 2 naman, isinalang ng Cambodian team ang Diggie feed strategy na sinubukang pabagalin ang pagratsada ng YSS ng Blacklist. Mainit ang salpukan hanggang mid game pero hindi naging sapat ang pagmamatigas ng Impunity sa late game kung saan bida ang Yve ni Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna na nagkamit ng MVP.
Match 6: EVOS SG nakabawi na din
Sa huling laban ng Day 2, mainit ang MPL-SG Season 7 champion EVOS SG na makabawi mula sa kanilang pagkalason sa Day 1. Unang laban palang kontra Nightmare Esports ay inilabas na agad ng Singaporeans ang Aldous pick para kay Andrew “Potato” Lim.
Miserable ang kinahinatnan ng team galing Laos gawa ng pambubugbog ng Aldous mula early hanggang sa katapusan ng laro. Nagningning din ang madulas na Harith ni Jun Hong “Pokemon” Ng na may 4/1/3 KDA na itinanghal na MVP sa game 1 panalo.
Hindi nagbago ang ihip ng hangin sa game 2 sa magandang pagpapakita ng YSS pick ni Potato na objective gaming ang tirada at Yve ni Shih Kiatpara “Girl” Long para isarado ang laro sa 2-0.
Manatiling nakatutok sa MSC 2021 sa Phase 2 ng Group Stages!