Wagi ang Nexplay EVOS kontra ECHO sa Week 6 Day 1 ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines Season 8.

Tinapos ng Nexplay EVOS ang series sa nakakabilib na score na 2-0, ngunit ang isa sa mga pinakatumatak na bahagi ng series ay ang pagtatapos ng Game 1 kung saan nakuha nilang baligtarin ang sitwasyon upang kunin ang unang puntos ng match.

Double tank lineup ng Nexplay EVOS

Sa Game 1, inilabas ng Nexplay EVOS ang kanilang double tank lineup kung saan gumamit si Tristan “YAWI” Cabrera ng Hylos habang Grock naman ang gamit ng kanilang team captain na si Jeniel “YellyHaze” Bata-Anon.

Dehado ang NXPE sa early game, kung saan wala silang nakuhang turtle at malaki ang lamang ng kalaban pagdating sa kills.

Mahaba ang itinagal ng laban at ramdam paghihirap sa side ng NXPE. Ubos na ang kanilang mga tore at nakuha ng ECHO ang Luminous Lord. Ngunit sa bandang 28 minute mark ng laban, isang di kapanipaniwalang play ang nagawa ng NXPE na nagpabaligtad sa sitwasyon.

Matapos ang three for two team fight trade, naiwan sina YAWI at John Paul “H2wo” Salonga upang depensahan ang kanilang base laban kay KurtTzy na kasama ang Luminous Lord. Nasa loob na ng base ang Lord at nasa bingit na sila ng pagkatalo, ngunit nagawa itong depensahan ng natirang dalawang myembro ng Nexplay EVOS kung saan napigilan nila ang Lord at napitas din nila si KurtTzy.

Sa punto ito ay nag-respawn na si YellyHaze. Kasama ang Natan ni H2wo at Lunox ni Hesa, nagawa nilang mag-push sa mid lane kung saan nasira nila ang ikalawa at ikatlong tore. At dahil si Rafflesia na lang ang natitira para dumepensa sa panig ng ECHO, wala itong nagawa sa bagyong dala ng tatlong NXPE.

Paliwanag ni YellyHaze sa double tank lineup ng Nexplay EVOS

Sa post match interview, ipinaliwanag ni YellyHaze kung anong tumatakbo sa kanilang mga isip noong game one. “Na-earlyhan (early game) po kami kaya nahirapan po kami laruin yun,” sabi ni YellyHaze. “Nag-usap-usap na lang kami na kaya naman sa late game. Kaya tuwang-tuwa po kami nung nanalo kasi na-pull off po namin yung comeback.”

MLBB MPLPHSeason8 ECHOVsNXPE Stats Game1
Credit: MPL PH

Ipinaliwanag din nya kung anong klaseng diskarte ang ginawa nila para magtagumpay sa game na ‘yon.

“Dahil nga po nalugi kami nung early game noong game one, in-adjust na lang po namin yung playstyle namin na mag-hold po kami hanggang late game. Kasi yung mga heroes po nila walang scaling kaya kampante po kami na mapapatagal po namin hanggang late game. Iwasan na lang namin mga errors namin sa mga objectives.”

MLBB NexplayEVOS Game1Victory
Credit: MPL PH

Isang papuri din ang ibinigay ng NXPE team captain sa kanyang teammate at MVP ng game one na si Jhonwin “Hesa” Vergara na naging susi sa huling play ng game.

“Nadalian po kami kasi na-outplay po ni Hesa yung dalawa. Yun po yung nag-open ng daan sa amin sa mid ka na-comeback po namin.”

Susunod na makakalaban ng Nexplay EVOS ang Blacklist International sa October 2, 2:00 p.m. GMT+8.

Mapapanood ang mga matches nang live sa opisyal na Facebook channel ng MPL Philippines.