Invited ang Blacklist International at Bren Esports sa playoffs ng Nimo TV Mobile Legends: Bang Bang Arena Season 3, isang tournament kung saan tampok ang mga pinakamalalakas na koponan mula sa Indonesia.
Ang mga bigating koponan sa NMA Season 3 playoffs
12 koponan ang sasabak sa double-elimination playoffs. Bukod sa dalawang Pinoy teams, directly invited din ang EVOS Legends at Bigetron Alpha. Haharapin ng mga ito sa upper bracket ng playoffs ang ONIC Esports, Aura Fire, Geek Fam ID, at Kings Esports, ang apat na koponang nangibabaw sa nagdaang group stage ng turneo.
Samantala, sa lower bracket naman sisimulan ng Alter Ego, EVOS Icon, Axe Gang, at Aura Esports ang kanilang kampanya.
Ang match schedule ng BREN at BLCK sa NMA Season 3 playoffs

Parehong may laban ang mga pambato ng Pilipinas sa simula ng turneo sa Hulyo 28.
4:30 ng hapon gaganapin ang serye ng M2 World Championship title holders kontra Aura Fire, at ito ay susundan ng bakbakan sa pagitan ng defending Mobile Legends: Bang Bang Professional League – Philippines champion at Geek Fam ID sa 6:30 ng gabi.
Mahalaga ang magiging laban ng BREN at BLCK dahil ito ang unang beses na sasabak sila sa turneo simula nang ianunsyo ang kanilang mga roster para sa paparating na MPL-PH Season 8.
Idadaos ang NMA Season 3 playoffs hanggang Linggo, Agosto 1 at ito ay masusubaybayan lamang sa Nimo TV.