Binasag ng Nexplay EVOS ang kanilang sumpa ng first-round exit nang walisin nila ang RSG Philippines. 3-0, sa unang match ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines Season 8 Playoffs.

Selyado na ang at least top four finish para sa NXPE, malayo sa kanilang back-to-back 8th place noong Season 6 at 7.

“Natanggal na ‘yung sumpa ng first-round exit kasi since last Season 6 natatanggal kami sa first round. Ngayon wala na, top four na. Let’s go!” natutuwang sabi ni Nexplay EVOS jungler John Paul “H2wo” Salonga sa post-match interview.

Naging tampulan ng panunukso sila H2wo at ang Nexplay franchise dahil sa kanilang maagang pagkalaglag sa playoffs sa unang dalawang season nila sa liga.

Pero ipinakita ng NXP EVOS na nag-mature na sila ngayon sa kanilang pangatlong season sa pamamagitan ng kanilang swabeng in-game comms (communication) na nagresulta sa magagandang desisyon lalo na sa late game, ayon kay H2wo.


NXPE sumandal sa Jawhead-Eudora combo

Dinomina ng Nexplay EVOS ang Game 1 sa likod ng Jawhead ni Tristan “Yawi” Cabrera at Eudora ni veteran pro Jeniel “YellyHaze” Bata-anon.

Sa pamamagitan ng Ejector plays mula kay Yawi at burst damage naman mula kay YellyHaze, sunod-sunod ang pagpitas ng NXPE sa mga heroes ng RSG sa early game pa lamang. Dahil dito, mabilis na nag-snowball ang Yi Sun-Shin ni H2wo at Natan ni Jhonwin “Hesa” Vergara para maisara ng koponan ang laro sa loob ng halos 19 minuto.

Tinanghal na MVP ng laro si Yawi matapos magtala ng nine assists at 82% kill participation.

Yawi Game 1 MVP
Credit: MPL Philippines

Hesa nagpakitang gilas sa malupit na comeback ng NXPE

Lamang na lamang ang RSG Philippines sa pangalawang laban matapos mag-init ng Kimmy ni Christian “Iy4knu” Manaog pero gaya ng problema nila noong regular season, nahirapan ang mga bata ni coach Brian “Panda” Lim na i-close out ng laro.

Nang sumugod ang RSG para sa kanilang death push, napatumba ni Hesa sa kanyang Natan ang Kagura ni Arvie “Aqua” Calderon at Ruby ni EJ “Heath” Esperanza. Dito na nagsimula na makuha ng NXPE ang isa na namang classic comeback ngayong season.

Nahuli ni Yawi sa Khufra si Iy4knu na mabilis na tinunaw nila H2wo sa YSS at Hesa. Rumekta na ang NXPE sa base ng RSG at nilista ang 21-minute comeback kung saan si Hesa ang pinangalanang MVP.

Hesa Game 2 MVP
Credit: MPL Philippines

H2wo bumida sa mautak na segway push

Dikdikan ang bakbakan sa Game 3 pero ang RSG na naman ang liyamado dahil nabasag nila ang lahat ng tore ng NXPE. Gayunpaman, naging problema na naman para kila Iy4knu ang pagsara ng laro.

Dahil alam nilang hindi kaya ng RSG na ma-burst ang Lord, mautak na gumalaw ang NXPE sa mapa at nagpwersa ng split push. Pinangunahan ni H2wo sa Paquito kasama si Yawi sa Barats ang segway play sa top lane kung saan nagmukha silang dehado nang maipit sila ng RSG.

Pero na-survive nila ang atake ng RSG at nakapagbigay ng sapat na oras para makaresponde ang kanilang mga kakampi. Dito na nabaliktad ng NXPE ang sitwasyon at pinuksa ang apat na kalaban bago tuluyang tapusin ang serye.

H2wo Game 3 MVP
Credit: MPL Philippines

Umabante ang Nexplay EVOS sa double-elimination playoffs at sunod na kakalabanin ang second seed na Onic Philippines bukas, alas tres ng hapon.

Samantala, nagtapos naman ang debut MPL Philippines season ng RSG PH sa 5th-6th place at nakakuha ng US$2,500 (PHP 127,028.75)

Sundan ang iba pang mga istorya tungkol sa MPL PH Season 8 Playoffs sa pamamagitan ng pagsubaybay sa Facebook page ng ONE Esports Philippines. Mapapanood ang mga laban sa Facebook at YouTube channel ng liga.