Hindi pinalad na magwagi ang Nexplay EVOS (NXPE) laban sa Rebellion Genflix (RBG) sa ikalawang araw ng ONE Esports Mobile Legends: Bang Bang Professional League Invitational (MPLI) 2021.
Laglag na sa MPLI 2021 ang isa sa mga pambato ng Pilipinas na NXPE matapos magtamo ng 2-0 na pagkatalo sa kamay ng Indonesian team na RBG. Sila ang ikalawang Philippine team na mawawala sa tournament matapos ng pagkatalo ng Smart Omega sa ONIC PH.
Kapansin-pansin na hindi naglaro ang dalawa sa mga star players ng NXPE na sina John Paul “H2wo” Salonga at Renejay Barcase.
Makikita sa laro ng RBG na pinaghandaan nilang mabuti ang Filipino squad na kilala sa kanilang husay pagdating sa late game, kung kaya’t umariba ang RBG sa early game sa tulong ng Paquito ni Mohammad Jihadi “Jiisaa” Fathan at Rafaela ni Thomas “Vall” Galileo. Naging susi rin sa kanilang pagkapanalo sa Game 1 ang mahusay na paggamit ni Attanasius David “SwayLow” Halomoan ng Kajah.
Naging sagabal din sa NXPE ang Ruby ni Rendy “Coyy” Syaputra na nagpahirap sa Yve ni Jeniel “Yellyhaze” Bata-anon at Claude ni Jhonwin “Hesa” Vergara.

Hindi nalalayo ang kwento ng Game 2, kung saan pinangunahan ng Lancelot ni Jiisa ang early game na naging problema ng Alice ni Hesa
Isang napakagandang depensa naman ang ipinakita ng NXPE laban sa Lord push ng kalabang Indonesian sa bandang 11-minute mark kung saan apat sa kalaban ang itinumba ng koponan upang maprotektahan ang kanilang base.
Isang matinding bawi naman ang isinukli ng RBG nang mahuli nila ang Pinoy squad gamit ang Mathilda ni SwayLow na nagresulta sa pagkawala ng apat na miyembro ng NXPE, na sinundan naman agad ng pagtatapos ng Game 2.

Sa pagkawala ng NXPE at Smart Omega, apat na Philippine squads na lang ang natitira sa tournament, kung saan lalaban sa ikalawang round ang ONIC PH, ECHO, at RSG PH, habang naghihintay naman ang Blacklist International sa Quarter Finals.
Mapapanood ang mga laban nang live sa official Facebook page ng ONE Esports Philippines.