Malaking multa, serious warning at marami pang iba — iyan ang haharapin ng mga kupunan at personalidad na sangkot sa kontrobersyal na NXPE vs OMG Week 7 Day 3 matchup ayon sa opisyal na anunsyo ng MPL Philippines Operating Committee.

Sa naturang testamento, inilahad ng kumite ang mga panuntunang nilabag ng mga kupunan at ng kanilang mga manlalaro sa huling serye na nilaro sa MPL Philippines Season 8 Regular Season.


Opisyal na pahayag ng MPL PH Operating Committee tungkol sa mga naganap sa NXPE vs OMG

Credit: MPL PH

Dalawang araw matapos ang seryeng naging usap-usapan sa social media, inilabas ng MPL PH Operating Committee ang naging resulta ng isinagawa nilang imbestigasyon na una na nilang ipinangako sa mga miron.

Naungkat ng kumite na nilabag ng Nexplay EVOS at Smart Omega ang guidelines 12.1.1.2 (Competitive Integrity) at 12.1.5 (Professional Manner) sa MPL-PH S8 Rulebook.

Kaugnay nito, pinatawan ng Operating Committee ang dalawang kupunan ng tig-$3,000 multa (PhP 150,000 penalty each), kasama ng serious warning. Bukod dito, hindi na rin makakasama sa personal awards selection ang mga pro players na sangkot sa kontrobersyal na serye.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Matatandaang kabilang sa mga naglaro sa NXPE vs OMG match na ito ang ilan sa pinakamalalaking pangalan sa eksena katulad nina Setsuna “AkosiDogie” Ignacio, Billy “Z4pnu” Alfonso, Renejay “Renejay” Barcase, Tristan “Yawi” Cabrera, at John Paul “H2wo” Salonga.

Samantala, haharapin naman ni Dogie ang $500 multa (PhP 25,000) at 2-game suspension dahil sa paglabag sa Guideline 12.2.1 (Making a Prohibited Pose) ng MPL-PH S8 Rulebook.

Binigyang diin ulit ng kumite na walang eksepsyon sa mga patnubay na nakasulat sa nasabing rulebook at mananagot ang sinumang magtatangka na baliin ang mga patakarang ito.


Mga kaganapan sa NXPE vs OMG W7D3 series

Naging punto ng usap-usapan ang hindi pangkaraniwang drafting at strategy na inilabas ng parehong kupunan sa tatlong games na nilaro sa serye.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Sa game 1, inilabas ng kupunan ni Setsuna “AkosiDogie” Ignacio ang lineup na hawak ang limang flameshot battle spells na mistulang nag-iwan ng pangit na panlasa para sa mga miron. Nauwi ang laban sa dominanteng 13 minute panalo para sa Smart Omega.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Sa NXPE vs OMG game 2 naman, isinalang ng OMG ang lineup na binuo ng Diggie, Minotaur, Angela, Saber at Lapu-Lapu na hindi umubra sa double-marksman composition ng Nexplay.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Napansin ng mga fans ang kaunting antala bago magsimula ang game 3 ng NXPE vs OMG series, at ng bumalik ang dalawang team para sa clincher ay mistulang nagbago ang ihip ng hangin.

Maayos na drafting at strategy ang inilatag ng parehong team, kung saan nanaig ang Nexplay EVOS sa panguguna ng Benedetta ni Sanford “Sanford” Vinuya.

Screnshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Bagamat maganda ang ipinakita sa huling laro ng serye, maraming fans pa rin ang hindi naitago ang pagkadismaya lalo na’t pinaglabanan sa serye ang Top 3 sa standings.

Sa post-game interview, binigyang linaw ni Dogie ang mga nangyari para sa kanilang panig. “Sa game 1, ang kailangan lang kasi namen ay isang win eh para secure top 3 namen. Parang alam na namin na pwede kaming matalo sa game 1 so parang nilaro lang namen yun.”

Dagdag ng MLBB personality, “Game 2, alam nanamin na mananalo kami. Tapos sa Game 3, dun na serious mode.”


Sundan ang mga updates tungkol sa istoryang ito sa pamamagitan ng pagsubaybay sa ONE Esports Philippines sa Facebook.