Tagumpay ang Blacklist International sa kanilang unang lower bracket match sa playoffs ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 8.

Winalis ng Blacklist ang Nexplay EVOS sa kanilang lower bracket semis sa score na 3-0. Laglag na sa playoffs ang NXPE, samantalang aabante naman patungong lower bracket finals ang Blacklist International.

Ito ang unang beses na naglaro nitong playoffs ang Blacklist International gold laner na si Kiel Calvin “OHEB” Soriano matapos ang kanyang suspension sa liga.

MLBB OHEB MPL PH MVP
Credit: MPL PH

Sa post-match interview, ipinahayag ng Game 1 MVP ang kanyang gigil na maglaro na nagpausbong sa kanyang halimaw na performance. “Larong-laro na rin kasi ako kahit sa scrims,” sabi ni OHEB. “Sobrang nanggigigil talaga kong maglaro ngayon, kahit sinong kalaban.”

Dama sa tono ng boses ni OHEB ang saya at pagsisisi ngayong nakapaglaro na ulit matapos ang kanyang 2-game suspension. “Sobrang saya po. Hindi na ko gagawa ng kahit ano [na katulad nun].”

Nang tanungin kung may kakaibang pressure silang naramdaman ngayong lumalaban ang Blacklist International mula sa lower bracket ng playoff, kumpiyansa namang sumagot ang Blacklist gold laner.

“Kahit nasa lower bracket kami, hindi kami mada-down, hindi kami mape-pressure. Basta gagawin lang namin yung play namin. Magiging confident pa rin kami, pero hindi overconfident.”

Kapansin-pansin din ang paggamit ni OHEB ng Natan sa games 2 at 3 na hindi tipikal na hero pick para sa kanita. Ipinaliwanag niya ang dahilan sa likod nito.

“Malakas din kasi si Natan. Tingin ko, kahit early game, masakit pa rin. Early game kasi, kaya kong harass-in yung katapat ko. Tapos sa late game, masakit din.”

Bukod sa lakas ng Natan, nagbigay rin si OHEB ng isa pang rason para sa kakaibang hero pick.

“Pang-deny pick na rin sa kalaban namin. Kasi nakikita namin puro yun yung ginagamit nya, parang komportable sya dun. Confident din naman ako na kaya kong gamitin yun kaya yun yung pick namin.”

Makakalaban ng Blacklist International ang Smart Omega sa lower bracket finals. Ang mananalo sa match na ito ang haharap sa ONIC PH sa MPL PH Season 8 Grand Finals.

Mapapanood ang mga matches sa official Facebook page at YouTube channel ng MPL Philippines.