Pinatawan ng MPL-PH Operating Committee si Kiel “OHEB” Soriano ng Blacklist International ng suspension at penalty matapos gumawa ng “prohibited pose” noong laban nila kontra Omega Esports noong ikapitong linggo ng MPL PH Season 8 Regular Season.

Dalawang larong suspensyon na magsisimula sa ikasiyam ng Oktubre at multang USD$500, o higit PHP₱25,000, ang parusa sa naturang Gold Laner sa pag labag sa section 12.2.1 ng MPL PH Season 8 Official Rules.

Credit: MPL Philippines

Sa ‘winning moment’ kasi ng Blacklist International matapos walisin ang kanilang karibal, nakita si OHEB na nagtaas ng gitnang daliri habang sinusubukan ng kakamping si Danerie James “Wise” Del Rosario na pigilan ito.

Dahil sa suspensyon, hindi makakalaro ang 17-taong-gulang na pro kontra Bren Esports para sa huling serye ng Blacklist International sa MPL PH Season 8 Regular Season, pati na rin sa unang serye nila sa playoffs.

OHEB nag-sorry sa ‘unsportsmanlike behavior’

OHEB parurusahan ng suspension at penalty dahil sa 'prohibited pose'
Credit: Tier One Entertainment
Screenshot ni Maouie Reyes / ONE Esports

Nauna nang humingi ng tawad si OHEB bago ilathala ng MPL-PH Operating Committee ang kanilang hatol ukol sa pangyayari.

“No excuses, mali ko po ‘yon. Hindi rin po ako tino-tolerate ng teammates ko sa nagawa ko. Kasalanan ko po talaga ‘yon. Wala po akong excuse doon. Tatanggapin ko po kung ano ‘yung consequence ng ginawa ko, penalty o ano man po,” batid niya.

Bukod sa pinataw na parusa ng liga, ipinabatid din ng coach ng koponan na si Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza sa isang post-game interview na may karagdagang warning at multa rin si OHEB mula mismo sa Blacklist International.


Samantala, Blacklist International pa rin ang nangunguna sa standing ng MPL PH Season 8 Regular Season matapos makalikom ng 31 puntos mula sa 12 panalo. Selyado na nila hindi lang ang kanilang playoff spot, kung hindi pati na rin ang top seed.

Subaybayan ang mga kaganapan sa MPL PH Season 8 sa pamamagitan ng pag-like sa Facebook page ng ONE Esports Philippines. Mapapanood naman ang mga laban sa Facebook at YouTube channel ng MPL Philippines.

BASAHIN: MPL PH Season 8 playoff teams, kinumpleto ng RSG PH