Humingi ng paumanhin ang Blacklist International at player nitong si Kiel “OHEB” Soriano dahil sa ‘unsportsmanlike behavior’ na ipinakita nito ilang saglit matapos walisin ang Omega Esports sa MPL PH Season 8 Regular Season.

Sa ‘winning moment’ ng koponan, namataan si Danerie James “Wise” Del Rosario na pinipigilan ang naturang Gold Laner. Hinawakan niya ito sa braso at sinubukang paupuin. Ngunit bago makabalik sa mga caster ang frame ng livestream, nakita si OHEB na nagtaas ng gitnang daliri.


OHEB nag-sorry sa ipinakitang asal

Blacklist International, OHEB nag-sorry sa 'unsportsmanlike behavior'
Credit: Tier One Entertainment
Screenshot ni Maouie Reyes / ONE Esports

Sa post-game interview ng Blacklist International, pormal na humingi ng tawad ang 17-taong-gulang na manlalaro.

“No excuses, mali ko po ‘yon. Hindi rin po ako tino-tolerate ng teammates ko sa nagawa ko. Kasalanan ko po talaga ‘yon. Wala po akong excuse doon. Tatanggapin ko po kung ano ‘yung consequence ng ginawa ko, penalty o ano man po,” batid niya.

Idiniin din ni coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza na hindi nila ito palalampasin kahit pa menor-de-edad ang si OHEB.

Blacklist-Bon Chan
Credit: MPL PH

“Never namin gagawing excuse na dahil minor siya… Even dito sa org, meron din siyang separate warning bukod sa MPL… Mapapanalo man kami, tanggap namin kung ano ‘yung magiging sanction na ‘yan,” paliwanag nito.

Bago ito, nauna nang naglathala ang Blacklist International ng pahayag ukol sa nangyari. Humingi ang organisasyon ng tawad sa kanilang fans at sa Omega Esports. Siniguro rin nilang mapapatawan ng multa ang kanilang manlalaro.

“The management has already talked to him in private about the matter and will issue a fine that will be deducted from his salary for his actions,” sulat nito sa kanilang Facebook page.


OHEB parurusahan ng suspension at penalty

Nakasaad sa opisyal na ruleset ng liga, sa ilalim ng Code of Conduct, na ipinagbabawal ang ano mang aksyon na maaaring maka-insulto, katulad na ang “vertical middle finger”.

Credit: MPL PH
Screenshot ni Maouie Reyes / ONE Esports

Dahil sa paglabag ni OHEB dito, hinatulan siya ng MPL PH Operating Committee ng Dalawang larong suspensyon na magsisimula sa ikasiyam ng Oktubre at multang USD$500, o higit PHP₱25,000.

Hindi na makakalaro ang 17-taong-gulang na pro kontra Bren Esports para sa huling serye ng Blacklist International sa MPL PH Season 8 Regular Season, pati na rin sa unang serye nila sa playoffs.

Nakatakda ganapin ang huling laban ng Blacklist International sa MPL PH Season 8 Regular Season sa Linggo, ika-10 ng Oktubre, kontra Bren Esports.

BASAHIN: MPL PH Season 8 playoff teams, kinumpleto ng RSG PH