Mataas ang pangarap ni OhMyV33NUS para sa Pilipinas sa eksena ng esports. 

OhMyV33NUS ng Blacklist International, nais ipagmalaki ang Pilipinas sa international pro esports scene 

OhMyV33NUS Blacklist International Sibol 2022
Credit: Thea Lusterio (ONE Esports Philippines)

Masaya ang captain ng Mobile Legends: Bang Bang pro team na Blacklist International na si Johnmar “OhMyV33NUS” Villaluna na nabigyan sila ng oportunidad iwagayway ang watawat ng Pilipinas sa paparating na Southeast Asian (SEA) Games ngayong taon sa Hanoi, Vietnam. 

“Sobrang happy kasi hindi kami pinalad noong 2019 and pangarap ko kasi talagang mai-representa yung Pilipinas internationally,” sabi ni OhMyV33NUS. 

Dagdag pa niya, ang team ng Indonesia ang kanilang nakikita bilang matinding kalaban sa esports event, ngunit hindi sila magiging kampante sa ibang teams.

“Indonesia yung pinakakalaban ng Pilipinas kaso ngayon kasi talagang lumalakas na rin talaga yung ibang bansa, so hindi na natin alam  kung sino talaga ang pwedeng maging ka-compete ng Philippines,” ani ni OhMyV33NUS. 

Blacklist International Team Sibol 2022
Credit: Thea Lusterio (ONE Esports Philippines)

Ngunit sabi naman ni Head Coach Kristoffer “Bon Chan” Ricaplaza, may lamang na ang Pilipinas laban sa Indonesia at malakas ang loob niya sa kaniyang team.  

“Ang maganda dyan, ang advantage natin pag narinig na nila yung team na Blacklist, mawawala na sa laro ‘yun. Nandoon na yung V33Wise, tsaka pag narinig nila yung Blacklist kalaban natin, kasi ilang beses na natin sila nabigyan, so malaking advantage ang meron tayo sa mga ibang teams,” sabi ni Bon Chan. 

Nagwagi ang Blacklist International sa pagiging representatives ng Pilipinas matapos nilang talunin ang Nexplay EVOS sa 2022 Sibol Mobile Legends National Team Selection noong January 30.  

64 na Pinoy delegates ang lilipad sa Hanoi, Vietnam para sa paparating na SEA Games ngayong taon. 55 ay esports athletes habang siyam ang coaches. 

Gaganapin ang SEA Games ngayong May 12 hanggang May 23, 2022. 

Sundan ang ONE Esports sa Facebook para sa karagdagang balita tungkol sa paparating na SEA Games.