Pinakita ni Blacklist International captain-support Jonmar “OhMyV33nus” Villaluna na isang kasalanan ang hindi pag-respect ban sa kanyang signature Mathilda nang harapin nila ang Bren Esports sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines Season 8 Sabado ng gabi.

Nakakagulat na pinakawalan ng Bren ang Mathilda–na nakikitang priority ban kontra sa Blacklist at isa sa most banned heroes ngayong season–sa unang banning phase sa Game 1 kaya naman agad itong sinunggaban ng defending MPL champion para kay OhMyV33nus.

“Wow thank you! Isang malaking TY!” sambit ni “The Queen” nang tanungin siya sa post-match interview kung ano ang naging reaksyon niya sa hindi pag-ban sa kanyang Mathilda.

Credit: Blacklist International

Gamit ang kanyang “Mathilda Airlines”, pinangunahan ni OhMyV33nus ang paglipad ng Blacklist patungo sa 14-4 panalo sa loob ng 27 minuto sa unang game.

Tinanghal na Game 1 MVP ang pride ng Antipolo City matapos siyang magtala ng 11 assists at isang kill kontra sa isang death lamang bukod pa sa nakakamanghang 86% kill participation.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Sa post-match presscon ng Bren, inamin ni coach Francis “Duckey” Glindro na na-outdraft sila sa Game 1.

“Obviously, outdrafted kami ng Game 1 kasi nakuha nila yung comfort heroes nila,” ani niya.


OhMyV33nus epektibo pa rin sa kabila ng “hack-a-V33nus” strat

Pagdating ng Game 2, ginawa na ng Bren ang “hack-a-V33nus” strategy at tinanggal ang Mathilda maging ang ibang signature heroes ng beteranong support.

Pero hindi nagpatinag si OhMyV33nus na kinuha ang Diggie at kumamada ng pinakamaraming assists (14) sa 19-15 win kung saan naging malaki ang tulong niya sa Beatrix ni Salic “Hadjizy” imam na bumida sa laro.


Blacklist International undefeated pa rin

Matapos ang pagkatalo ng Onic PH sa kamay ng RSG PH kanina, ang Blacklist International na lamang ang nananatiling undefeated team ngayong season.

Sinamahan din ng Blacklist ang Onic sa No. 1 spot sa standings sa pamamagitan ng 12 points nito mula sa malinis na 5-0 record (10-3 games win-loss). 

Babasagin ng Blacklist at Onic ang kanilang deadlock sa kanilang salpukan bukas sa oras na 6 p.m. 

Maaari niyong mapanood ang mga laban sa MPL Philippines Season 8 sa pamamagitan ng Facebook at YouTube channel ng liga.

Ang buong schedule at mga resulta sa MPL Philippines Season 8 ay pwede niyong makita dito sa ONE Esports Philippines.

BASAHIN: Yawi: ‘Sobrang focus po talaga namin’