Hindi nagpatumpik-tumpik si Johmar “OhMyV33nus” Villaluna at ang Blacklist International na basagin ang matapang na pagtangka ng RSG Philippines na bahiran ang kanilang malinis na win-loss record sa MPL Philippines Season 8.

Mabilis na 2-0 sweep ang isinukli ng defending champions sa pangahas na rookie team kung saan nagningning sa dalawang laro ang signature heroes ng superstar midlaner na Mathilda sa game 1 at Estes naman sa game 2.

Bagamat nakumpleto na ng team ng Tier One ang pagdispatya sa lahat ng mga kupunan sa liga, ipinakita pa rin ng kalahati ng V33Wise duo ang kaniyang winner’s attitude noong ipinahayag niya ang kagustuhan niyang makatikim na ng pagkatalo “as early as now”.


Gusto na ni OhMyV33nus makatikim ng pagkatlo sa MPL PH S8

Credit: Blacklist International

Matapos ang matulin na pagwawalis sa RSG PH, pinaunlakan ni OhMyV33nus ang MPL fans sa isang post-game interview kung saan ibinahagi niya ang kaniyang mga komento tungkol sa kaniyang kupunan.

Ayon sa team captain, bagamat masaya sa pakiramdam ang manatiling walang bahid ng pagkatalo sa MPL, mas pipiliin daw niyang matalo na ngayon.

“Actually gusto ko na nga matalo personally. Sakin lang. Feeling ko magiging mas madali kung matatalo na kami agad,” ani ng binasagang “The Queen”.

Dagdag pa ni OhMyV33nus, “I think kaya gusto ka naring matalo para as early as now makita ko na yung mga dapat i-adjust namen as a team.”


Pinatumba ng Blacklist ang RSG PH sa W4D1 matchup

Screenshot ni Calvin Trilles / ONE Esports PH

Inantabayang maigi ng fans ang pagtatapat ng RSG Philippines na binansagang “The Kingslayers” at ng walang talong Blacklist International.

Bagamat malaki ang inasahan ng mga miron para sa unang pagtatapat nina Christian “Iy4knu” Manaog at ng V33Wise Duo na dating magkakampi sa ONIC PH, hindi pinayagan ng kupunan ng Tier One na makaisa ang rookie team.

Perpektong Bruno gameplay ang isinalang ni Danerie “Wise” Del Rosario para tulungan ang defending champs na tapusin ang laro sa loob lamang ng 11 minutes at 46 seconds.

Screenshot ni Calvin Trilles / ONE Esports PH

Sa game 2 naman, magilas ang Lunox ni Kiel “Oheb” Soriano na naglista ng 2/0/7 KDA para iselyo ang sweep.

Screenshot ni Calvin Trilles / ONE Esports PH

Sa parehong laro, malaking tulong ang ibinahagi ni OhMyV33nus gamit ang kaniyang signature Mathilda sa game 1, at Estes naman sa game 2.

Sa nangyaring pagpapaluhod sa RSG PH, nakumpleto na ng MPL PH S7 champions ang all-team sweep ngayong Season 8. Bukod dito, nag-iisa din silang kupunan na wala pa ring talo sa matapos ang Week 4 Day 1.


Siguraduhing nakatutok sa pinakahuling resulta ng MPL Philippines Season 8 sa pamamagitan ng pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports PH!