Matapos ianunsyo ng Execration ang pamamaalam nila sa kanilang MLBB roster, isa na namang powerhouse team ang nagpasabog ng balita tungkol sa malakihang roster change bago magsimula ang Mobile Legends: Bang Bang Professional League PH Season 8 (MPL PH S8).
Sinabi ng Omega Esports, isa sa mga kinatawan ng Pilipinas sa nakaraang M2 World Championship, sa isang pahayag na pakakawalan na nila ang lahat nang kanilang mga miyembro.
Opisyal na pahayag ng Omega Esports

Sa kanilang opisyal na Facebook post, inihatid ng Omega Esports ang balita na hindi na magiging bahagi ng kanilang organisasyon sina Kenneth Jiane “Kenji” Villa, Jeniel “Haze” Bata-anon, Jankurt “KurtTzy” Matira, Earvin John “Heath” Esperanza, Salic “Hadjizy” Imam, at Adrian “Toshi” Bacallo.
“For the past 3 years that we’re together as a team and as a family, we had our fair share of highs and lows,” pahayag ng Omega Esports.
“It pains us to say this, but it’s time to say thank you and goodbye to everyone.”
Naglabas din sila ng isang tribute video kasama ng anunsyo, isang pag-alala sa organisasyon at sa mga miyembro sa kanilang paglalakbay bilang isa sa mga kinikilala at nirerespetong teams sa MPL PH.
“We’d also like to thank our fans that have supported us throughout the years. We hope that in the next chapter of Omega Esports, we’d still be seeing everyone. Again, thank you,” dagdag pa ng organisasyon.
Mga achievements ng Omega Esports

Sa MPL PH S6 naganap ang pinakamagandang run ng Omega Esports kung saan nagtapos sila sa second place, ito ang naging daan upang maging kinatawan sila ng ating bansa para sa M2 World Championship.
Nagtapos sila sa fifth-sixth place sa M2 at nag-uwi ng US$8,400.
Maganda ang pasok ng team para sa ikapitong season. Sa kasamaang palad, maaga silang natanggal sa playoffs matapos matalo sa Execration sa ikalawang round ng lower bracket.