Tuluyan nang pinatalsik ng Omega Esports ang EVOS SG sa tournament matapos nilang talunin ang mga ito 3-0 sa lower bracket ng Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asian Cup 2022 (MSC 2022).

Tulad ng madalas nilang ginagawa sa mga nagdaang tournaments, ipinamalas ng Barangay Omega ang bagsik ng kanilang lason laban sa huling nalalabing team ng Singapore.

Binitbit ni Duane “Kelra” Pillas ang barangay gamit ang kanyang Irithel na nakakuha ng 6/1/2 KDA sa unang game na natapos pagkalipas ng 17 minuto at 54 segundo sa tulong ng Lord.

Omega Esports Kelra MVP MSC 2022
Credit: MSC

Delubyo naman ang hatid ng ikalawang game para sa EVOS SG, at sa pagkakataong ito, ang Chou ni Joshua “Ch4knu” Mangilog na may 2/0/14 ang salarin. Kaliwa’t kanang initiations at pick off ang inambag ni Ch4k Mamba para sa barangay, na sinabayan din ng nakakabilib na performance ng Lancelot ni Dean Christian “Raizen” Sumagui, upang dominahin ang Game 2 sa score na 23-7.

Omega Esports Ch4knu MVP MSC 2022
Credit: MSC

Sa ikatlong game naman ay ipinakita ng Omega kung anong klaseng disiplina ang nagdala sa kanila upang tanghaling Kings of the SEA. Ngunit sa kabila ng pagdomina ng Omega sa kabuuan ng laban, nagawa pa rin ng pride ng Singapore na dalhin ang laban hanggang sa late game.  

Pinilit ng Singaporean team na pumalag sa MSC 2021 champions, ngunit sa huli ay napabilang lamang sila sa mga naging biktima ng mga hari ng lower bracket at tuluyan nang nagpapaalam sa tournament.



Tinanghal na MVP si Raizen gamit ang kanyang Ling na may KDA na 7/1/6.

Aabante sa susunod na round ng lower bracket ang Omega upang kalabanin ang matatalong team sa pagitan ng RSG PH at Orange Esports.

Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.