Isa si Kairi “Kairi.” Rayosdelsol ng ONIC Philippines sa pinaka-inaabangang manlalaro ngayon sa MPL-PH Season 8. Kinapanabikan ang pagbabalik niya bilang Jungler ng nasabing koponan, na marahil ay isa rin sa mga dahilan ng kanilang tinatamasang tagumpay ngayon.
Sa kabila ng kanyang husay sa larangan ng Mobile Legends: Bang Bang, marami pang pinagkaka-abalahan ang batang superstar, at isa na dito ang panonood ng anime.

Naka-usap ng ONE Esports Philippines ang manlalarong binansagang “The Present” tungkol sa mga paborito niyang anime. Ani Kairi, minulat daw siya ng Hunter x Hunter na gawa ni Yoshiro Togashi. Simula dito, nahumaling na siya sa mga nasabing palabas. Sa ngayon, sinusubaybayan niya ang Vinland Saga pati na rin ang My Hero Academia.
Pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay tuwa ang nararamdam ni Kairi habang nanonood ng anime. Ayon sa kanya, maraming beses na rin siyang napaiyak sa panonood ng Naruto, lalo na raw ‘pag may mga karakter sa palabas na namamatay.
3 anime na dapat mapanood ng lahat ng tao ayon kay ONIC Kairi
Tinanong din ng ONE Esports Philippines ang mga anime na sa tingin ni Kairi ay dapat mapanood ng lahat ng tao. Ito ang kanyang nilista:
Attack on Titan

Ang Attack on Titan, o Shingeki no Kyojin, ay isang manga series na gawa ni Hajime Isayama. Umiikot ang istorya ng palabas sa bidang si Eren Jaeger at ang kanyang laban upang iligtas ang katauhan mula sa extinction dahil sa mga higanteng humanoid Titans.
Naruto

Isa ang Naruto sa mga pinakasikat na anime, hindi lang sa Pilipinas kung hindi pati na rin sa buong mundo. Ang gawang ito Masashi Kishimoto ay tungkol sa batang si Naruto Uzamaki at ang kanyang paglalakbay upang maabot ang pangarap niyang maging Hokage o village leader. Meron itong dalawang parte, ang Naruto at Naruto: Shippuden, na tumakbo simula 2007 hanggang 2017.
Demon Slayer

Magandang panimula ang Demon Slayer, o Kimetsu no Yaiba, para sa mga bago pa lang manonood ng anime. Tungkol ito kay Tanjiro at sa paglalakbay niya upang paghigantihan ang pamilya niyang pinaslang ng mga Demon at magamot ang kapatid niyang si Nezuko na onti-onting nagiging Demon. Natapos ang manga series nito noong 2020, habang inaabangan pa kung magkakaroon ng ikalawang season ang anime series nito.
Top 5 all-time favorite anime ni ONIC Kairi
Hunter x Hunter

Isa sa mga classic anime ang Hunter x Hunter. Ito ay tungkol sa batang si Gon at ang kanyang paglalakbay para maging Hunter at mahanap ang kanyang tatay. Unang nailathala ang manga nito noong 1998, ngunit kasalukuyan itong naka-hiatus simula pa noong 2006. May 148 episodes ang anime nito na tumakbo mula 2011 hanggang 2014.
Attack on Titan
Namayagpag ang Attack on Titan noong nakaraang taon matapos um-ere ang unang parte ng ika-apat at huling season nito. Para sa mga magbabalak itong panoorin, meron itong 75 episodes sa kasalukuyan. Natapos na ang manga series nito noong Abril, at inaasahan namang i-e-ere ang ika-apat at huling season ng anime nito sa 2022.
Death Note

Isa rin ang Death Note sa mga anime na sumikat sa buong mundo. Iba ang naging impact nito sa pop culture dahil sa katanyagan ng plot device nitong ‘Death Note’, isang notebook na nagbibigay ng kakayahang pumatay sa nagmamay-ari sa pamamagitan ng pagsulat ng pangalan. May 37 episodes ang original anime nito, na unang in-ere noong 2006 hanggang 2007.
Seven Deadly Sins

Ang Seven Deadly Sins ay tungkol sa isang grupo ng mga knights na nag-disband matapos mapagbintangang ng katiwalian. Iikot ang kwento sa paglinis ng kanilang pangalan at pagbalik sa kaharian ng Liones na napasakamay ng mga tirano.
Black Clover

Ang Black Clover ay tungkol kay Asta, isang batang lalaki na pinanganak na walang magic power sa mundong ang lahat ng tao ay may taglay na magic power. Natigil ang pag-broadcast ng anime nito noong nakaraang Marso sa 170 episodes, pero tuloy-tuloy pa rin ang manga nito.
Mapapanood si Kairi at ONIC PH sa MPL-PH Season 8. Maaaring subaybayan ang kanilang mga laban sa opisyal na Facebook at YouTube channel ng naturang liga.