Muling pinaluhod ng ONIC PH ang Blacklist International sa iskor na 2-1 upang makabalik sa win column sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 9, Biyernes ng gabi.
Kinumpleto ng MPL PH Season 8 at M3 World Championship runner-up ang isang season sweep laban sa reigning champs matapos bumida ang Ling ni star jungler Kairi “Kairi” Rayosdelsol.
Nakagawa si Kairi ng clutch Luminous Lord steal sa dulo para pigilan ang tangkang comeback ng Blacklist sa nakakahapong Game 3 na umabot ng 30 minuto.

Nakabawi ang ONIC PH mula sa kanilang 1-2 pagkatalo sa kamay ng RSG Philippines noong nakaraang linggo at tumalon din ang PH Yellow Hedghogs sa No. 3 ng standings kasama ang Raiders dala ang kanilang 13 points mula sa 5-3 series record.
Pero ayon kina star jungler Kairi “Kairi” Rayosdelsol at gold laner Marky “Markyyyyy” Capacio, marami pang dapat ayusin ang ONIC sa kanilang laro ngayong season.
Kairi at Markyyyyy sinabing may kulang pa sa laro ng ONIC PH ngayong MPL PH Season 9

Sa isang nakalipas na post-match interview, inilahad nila ECHO superstars Karl “KarlTzy” Nepomuceno at Tristan “Yawi” Cabrera na kung makakapasok sila sa finals ng MPL PH Season 9 ay sa tingin nila ONIC PH ang kanilang makakaharap.
Pero sa ngayon ay pagewang-gewang pa ang kampanya ng ONIC na malayo sa pinakita nila noong playoffs ng Season 8 maging sa kanilang takbo sa M3. Wala rin sila sa No. 2 spot na gaya ng inasahan nila KarlTzy at Yawi.
Gayunpaman, aminado si Kairi na deserve nilang nasa gitna lang ng standings.

“Tingin ko deserve namin ‘yung spot namin ngayon. Kung gusto namin mag-top 2, kailangan namin paghirapan talaga,” ani ng 16-year-old jungler sa panayam pagkatapos ng kanilang panalo kontra Blacklist.
Kasama si Markyyy, sinabi ng dalawa na hindi pa pulido ang laro ng ONIC sa tumatakbong season.
“Marami pa pong kulang sa’min eh,” pag-amin ni Markyyyyy na tinukoy ang kanilang in-game comms bilang isa sa mga bagay na dapat nilang pagtuunan ng pansin.
“Marami pa po kami kailangang i-improve,” sabat naman ni Kairi.
Tatangkain ulit ng ONIC PH na makapagtala ng winning streak laban sa Nexplay EVOS sa Linggo, ganap na ika-6 ng gabi.
Samantala, nagpatuloy ang struggle ng Blacklist International sa pagsisimula ng second half ng liga at nanatili sila sa bottom two ng standings. Susubukan ng Agents na buhayin ang kanilang kampanya kontra TNC bukas, alas otso ng gabi.
Maaarin niyong sundan ang mga kaganapan sa MPL Philippines sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.