Isa ang Fanny sa mga pinaka-exciting na hero sa Mobile Legends: Bang Bang. Mapa-ranked game man o laro sa professional leagues, sabik ang lahat kapag lumalabas ito sa Land of Dawn dahil sadyang maaksyon ang laro kapag nagagamit ito ng maayos.

Dahil sa pambihirang gilas ng karakter na makaikot ng mabilis sa mapa gamit ang Steel Cables, kasama na din ang abilidad nitong makapunit ng kalaban gamit ang Cut Throat at Tornado Strike, itinuturing ang Fanny bilang isa sa pinaka-nakakatakot na hero sa laro, lalo na kung hawak ng marunong na player.

Credit: Moonton

Gayunpaman, hindi madali ang dadaanan ng sinuman para ma-master ito. Kailangan ng oras at pasensya para mabuo ang instinct at mechanics para magamit ito sa buo nitong kapabilidad.

Upang matulungan ang mga nagnanais na magamay ang hero na ito, ibinahagi ng ONIC Esports jungler at MPL ID champion na si Kairi “Kairi” Rayosdelsol ang kanyang mga payo sa isang eksklusibong panayam sa ONE Esports.


Dapat daw panoorin si King Jasro para ma-master ang Fanny ayon kay Kairi!

Kilala bilang isa sa pinakamahusay na Fanny users sa laro, nag-umpisa din daw si Kairi bilang baguhan sa hero. Sa panahong ito, natagpuan daw niya na pinakamahusay na paraan upang matuto ng paglalaro sa assassin ng mabilis at epektibo ay sa pamamagitan ng panonood ng paborito niyang streamer.

Credit: ONE Esports

Isa sa paboritong content creators ni Kairi ay si Jason “KingJasro” Robante, ang isa sa pinakatanyag na streamers at halimaw na Fanny user sa Pilipinas. Ani ng pro, marami daw na mapupulot na tricks sa paggamit sa karakter kung susubaybay sa mga bidyo ni KingJasro.

“Bilang pro player, nanonood din ako ng streamers na magaling sa Fanny tulad ni KingJasro. Madami akong napupulot sa kaniya tulad ng tamang rotations lalo na nung una pa lang ako natututo,” kuwento ng First Team jungler ng MPL ID S11.

Credit: KingJasro

At hindi lang si Kairi ang nakapansin sa kakayahan ng Pinoy content creator. Sinasalamin ng higit sa 3.2 milyong mga tagasunod niya sa Facebook at 700,000 mga subscriber sa YouTube ang husay at aliw na inaambag niya sa mga fans ng Mobile Legends sa bansa.

Ngunit bukod daw sa panonood ng mga streamers tulad ni KingJasro, iminumungkahi rin ni Kairi na maglaro muna ng custom game para masanay bago subukan ang paglalaro sa classic o ranked na labanan.

“Mas madali kasi mag-practice sa Fanny sa custom kesa sa classic,” banggit ng pro.

Sa kabila ng hilig ni Kairi sa mobile assassin hero, dalawang beses lamang niya ito nalaro sa MPL ID S11 dahil karaniwang binaban ito ng mga kalaban niya.

Ngunit kung mabibigyan ng pagkakataon, siguradong hindi mag-aalinlangan ang ONIC Esports superstar na isalang ito sa mapa lalo pa’t may 85% win rate siya sa 600 games na nilaro sa ranked match.

Para sa iba pang eksklusibong kontent, sundan lamang ang Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: Kelra nagbigay ng opinyon tungkol kay OHEB at sa Blacklist