AP.Bren ang unang Filipino team na nakaselyo ng tiket papunta sa M5 World Championship. Ito ay pagkaraan nilang burahin ang nangahas na Blacklist International, 3-0, sa gumulong na Upper Bracket Finals ng MPL Philippines Season 12 sa EVM Convention Center in Quezon City, Biyernes ng hapon.

Inihudyat din ng tagumpay ang pagbabalik ng beteranong coach na si Francis “Coach Ducky” Glindro sa entablado ng M World Series, sampu ng kaniyang players na sina Angelo “Pheww” Arcangel at David “FlapTzy” Canon na kinalawit ang tropeyo ng M2 World Championship.


AP.Bren pinagharian ang MPL PH S12 UB para maselyo ang tiket sa M5

AP.Bren FlapTzy and Pheww matapos ang tagumpay kontra Blacklist sa MPL PH S12 UB Finals
Credit: Moonton Games

Agad na umarangkada ang mga pambato ng The Hive nang pagulungin nila ang balansadong atake sa unang mapa. Kahit pa hawak ng Blacklist ang kumportableng jungle Barats pick para kay Stephen “Sensui” Castillo ay hindi nito napigilan ang swabeng initiation ng AP.Bren sa pangunguna ni FlapTzy.



Susi ang play ng EXP laner sa Terizla na pumukol ng mga swabeng Penalty Zones para ibigay sa kaniyang hanay ang abante sa team fights at matulungan ang kaniyang hanay na maisarado ang laro bago mag-15 minutos.

Hindi binigyan ng AP.Bren na makabuwelo ang kanilang mga katunggali sa sumunod na mapa, sa pagkakataong ito naman ay sa likod ng henyong hawak ni Rowgien “Owgwen” Unigo sa roam Edith.

Perpekto ang mga huli ni Owgwen sa damage dealers ng Blacklist para maselyo ang kritikal na pick offs at mabuksan ang kanilang kalamangan sa pagbubukas ng mid game. Hindi na lumingon pabalik ang AP.Bren na sumubsob sa base ng Agents para tapusin ang laban bago mag-19 minutos.

MPL PH S12 UB Finals: Blacklist vs AP.Bren Game two MVP Owgwen
Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Nagtala ang roamer ng swabeng 2/1/8 KDA para hiranging MVP of the Game.

Hawak ang two-game lead, sinubukang tapakan ng IESF World Champion squad ang silinyador para isarado ang serye sa game three, ngunit hindi ito ginawang madali ng crowd-favorites na Blacklist.

Natagpuan ng AP.Bren ang kanilang mga sarili sa dehado simula sa ika-13 minuto nang tuluyang mabasag ng Codebreakers ang lahat ng outer turrets ng hanay.



Gayunpaman, tumindig ang koponan ni Coach Ducky na sumandal sa cross-map plays, partikular na sa ginawa ni Marco “Super Marco” Requitiano (Beatrix) sa bottom lane sa ika-21 minuto para puwersahin ang Blacklist depensahan ang kanilang base, at maibigay ang Lord objective ng libre para sa kaniyang hanay.

MPL PH S12 UB Finals: SUPER MARCO split push in Game 3
Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Naging sapat ito para maisarado ng pangkat ang serye sa sumunod na minuto.

Sa tagumpay, naiselyo ng AP.Bren hindi lamang ang unang slot sa MPL Philippines Season 12 Grand Finals, kundi ang tiket papunta sa M5.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa iba pang balita at guides patungkol sa Mobile Legends.

BASAHIN: M5 ticket: Alamin kung saan makakabili, mga presyo, at early bird promos