Smart Omega ang ikalawang koponan na naka-decode sa Blacklist International sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines Season 8 matapos nilang pabagsakin ang defending champions, 3-1, sa kanilang mainit na bakbakan sa playoffs upper bracket.

Nagawang maka-first blood ng Blacklist sa best-of-five series sa kabila ng suspensyon kay Kiel “OHEB” Soriano pero bumawi ang Omega at kinuha ang sunod na tatlong laro.


Solido ang chemistry ng Smart Omega ngayong playoffs ayon kay coach Pakbet

Solido ang chemistry ng Smart Omega ngayong playoffs ayon kay coach Pakbet.
Credit: Jaime Abalos

Ibinihagi ni Smart Omega coach Jaime “Pakbet” Abalos sa post-match interview na pinagtuunan nila ang pagpapatibay ng kanilang team chemistry bago pumasok ng MPL PH Season 8 Playoffs.

“Lahat ng mali namin nung regular season tinanggal namin eh. ‘Yung sa shot call namin tapos ‘yung sa mga comms, lalong-lalo na ‘yung sa chemistry namin. Doon lalo namin (pinagtuunan), pinagcombine-combine namin lahat ng pagkakamali namin tapos pagpasok ng playoffs dapat naayos na namin ‘yun,” ani ni Pakbet.

Dagdag pa ng beterano sa liga, watak-watak ang kanilang galawan sa ilang laban nila sa regular season “pero ngayon (sa playoffs) grabe ‘yung chemistry namin, alam namin kung kailan kami papasok.”

Kitang-kita nga na nasa “Playoffs Mode” na ang mga bata ni Pakbet matapos nilang patumbahin ang Echo Philippines kahapon bago ang Blacklist.


Third time’s the charm para sa Smart Omega kontra sa karibal na Blacklist International ngayong Season 8

Credit: Smart Omega

Ayon pa kay Pakbet, pareho ang saya na naramdaman ng Smart Omega ngayon sa pagtalo nila sa karibal na Blacklist International noong MSC 2021.

“Ganun pa rin, masaya pa rin kami ‘pag natatalo ‘yung Blacklist kasi sobrang lakas talaga nila. ‘Di namin alam kung paano ang adjust sa draft namin kaya grabe talaga ‘yung pag-prepare namin.”

Ito ang unang panalo na nailista ng Omega laban sa Blacklist ngayong Season 8. Dalawang beses na nakalasap ng talo ang koponan ni Pakbet sa kamay ng mga bata ni Coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza noong regular season.

Matapos makuha ng Tier One Entertainment-backed team ang Game 1 sa kanilang upper bracket series sa likod ng Paquito ni Edward “EDWARD” Dapadap, mabilis na nakatabla ang koponan ng Smart sa pangununa ng Lancelot ni rookie jungler Dean “Raizen” Sumagui.

Isang trademark comeback naman sa Game 3 ang ginawa ng “Kings of SEA” na sumandal sa Aldous ni Kelra at sidelane Faramis ni Renz “Renzio” Cadua.

Sa ikaapat na laro, binahiran ng Omega ang dating 100% win rate ng Aldous ni Danerie James “Wise” Del Rosario at sinira ang pagbabalik ni Salic “Hadjizy” Imam (Karina) sa jungle.

Umarangkada sa best-of-five upper bracket finals ang Smart Omega at sunod na sasagupain ang Onic PH para sa unang slot sa Grand Finals at siguradong second place finish na maaaring may kaakibat na tiket patungong M3 World Championship. Nakatakdang maganap ang kanilang mahalagang laban bukas alas sais ng gabi.

Sa kabilang banda, nalaglag naman ang Blacklist International sa lower bracket kung saan makakaharap nila ang Nexplay EVOS, na winalis naman ng Onic. Bukas din ang kanilang tapatan sa alas tres ng hapon.


Subaybayan ang mga kaganap sa MPL Philippines Season 8 Playoffs sa pamamagitan ng Facebook page ng ONE Esports Philippines. Mapapanood ang mga laban sa Facebook at YouTube channel ng liga.