Ipinagpatuloy nina Angelo “Pheww” Arcangel at ng kaniyang Bren Esports ang pasabog na pagsisimula sa MPL Philippines Season 11 sa pamamagitan ng pagdispatiya sa TNC Pro Team ML, 2-0 para itala ang ikatlo nilang sweep sa apat na laro.

Desimulado ang galaw ng pangkat ni Pheww na pinigilan ang Phoenix Army sa dalawang laro na parehong hindi lumampas ng 16 minutos papunta sa 3-1 tala sa pagtatapos ng Week 2.

Credit: MPL Philippines

Sa post-game interview, sinubukang kumuha ni Mara Aquino ng tugon mula sa midlaner ukol sa maipapayo niya sa hanay na TNC na bigo pa ring makalawit ang unang tagumpay sa gumugulong na season. Ang beterano, nag-alok ng napakagandang payo para sa mga miyembro ng koponan.


Pheww inudyok ang TNC na manatiling tiwala sa koponan at sarili

Hindi bago kay Pheww ang kinalalagyan ng TNC Pro Team ML ngayon na bagamat pumapalag sa laro ay patuloy na nabibitin para makuha ang tagumpay.

Matatanadaan na bago manumbalik sa porma simula noong Season 10, delubyo ang naranasan ng Bren sa magkasunod na Season 8 at Season 9 kung saan natagpuan nila ang kanilang mga sarili sa dulo ng regular season standings.

Credit: MPL Philippines

Ngayong nakalagpas na sa lunos, hindi maikakaila na batid ng beterano ang kinakilangang gawin ng isang team para malampasan ang mga ito.

Payo ni Pheww sa TNC, “Unang-una idisregard nila yung nababasa nila; yung hate comments sa social media kase ‘pag pinapasok nila sa isipan nila mas lalo sila magdodoubt sa sarili nila. Di nila malalabas yung buong laro nila.”

Credit: MPL Philippines

Biktima rin ang beterano ng pangungutya online kung saan sinasabing lipas na ang kaniyang oras bilang isang pro at isipin na ang pagreretiro.

Ngayong sentro siya ng isa sa mga nangungunang team sa regular season, tahimik ang mga haters ni Pheww.

Huling payo ng M2 World Champion sa nakalabang team, “Huwag mawawalan ng tiwala sa kampe. Ang pinakamahalaga, sa sarili.”

Sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa pinakahuli tungkol sa MPL PH.

BASAHIN: Bren FlapTzy para makabalik sa main 5 ngayong MPL PH S11: ‘Isinapuso ko po ulit ‘yung pag-e-ML ko’