Naitala ng RSG PH ang kasalukuyang record sa pinakamabilis na laro sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 9.
Siyam na minuto at 55 segundo lang kasi ang kinailangan nila para mabasag ang base ng Bren Esports sa unang mapa ng best-of-three serye.

RSG PH winalis ang Bren Esports
Tila may lakad pa ang tropa ng RSG PH dahil sa bilis ng laban nila kontra Bren Esports sa unang araw ng ikalawang linggo ng regular season.
Nagsanib-puwersa ang tatlong sophomore ng koponan na sina Nathanael “Nathzz” Estrologo, Jonard “Demonkite” Caranto, at Eman “Emann” Sangco para muling i-welcome ang mga rookie ng kalabang koponan.
Hinirang na MVP ang Esmeralda ni Nathzz matapos magtala ng apat na kills at limang assists nang hindi namamatay. Kaisa rin siya sa higit 81% ng kabuuang 11 kills na naitala ng kanyang koponan.

Bagamat mas matagal nang bahagya ang itinagal ng ikalawang mapa, hindi pa rin maipagkakaila ang pangingibabaw ng RSG PH.
Nanatiling walang sagot ang Bren Esports sa pagpapakitang-gilas ng Lancelot ni Demonkite, na sinabayan pa ng malulupit na Khufra play ni Dylan “Light” Catipon.
Tinambakan ng RSG PH ang Bren Esports ng kills, 17-3, sa laro na tumagal ng 11 minuto at 42 segundo.
Sa kabila ng pinakamabilis na laro sa MPL PH Season 9, Light, ‘di pa raw kuntento sa kanyang laro
Sa post-game interview matapos ang kanilang tagumpay, inamin ng bagong saltang tank player mula sa TNC Pro Team na hindi pa siya kuntento sa kanyang laruan.
“Nalalabas ko ‘yung mga gusto kong hero, marami po kaming nae-explore na strategy pero hindi pa ako satisfied sa ginagawa ko, kulang pa,” sagot ni Light nang tanungin kung kumusta ang pakikitungo niya sa bagong koponan. 1
Ito ay sa kabila ng naitala nilang record sa pinakamabilis na laro sa MPL PH Season 9 at ang pagkilala sa kanyang Khufra bilang MVP noong ikalawang mapa ng serye.

Dagdag niya, may mga mechanical skills pa siyang nais ipamalas kahit pa abrup na kina Coach Brian “Panda” Lim at kakamping jungler ang kanyang galawan.
Papasok ang RSG PH sa laban nila kontra Omega Esports bukas, ika-26 ng Pebrero, nang hindi pa rin natatalo.
Nag-improve sa 2-0 ang win-loss record ngayon ng koponan, na ngayon ay naka-upo na sa tugatog ng standings kasama ang TNC Pro Team at ECHO, na pare-parehong may anim na puntos.
Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa MLBB at MPL Philippines, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.